Zero fishpen sa Laguna lake ‘di pa maipatutupad
Hindi pa maipapatupad ang ipinag-utos ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Lito Atienza na “zero fishpen” sa lawa ng Laguna.
Ito’y matapos na magkasundo sina Laguna Lake Development Authority (LLDA) general manager Ed Manda at Federation of Fishpen Operators of Laguna de Bay Presi dent ret. Gen. Mariano Fillart na uunahin na baklasin ang mga iligal na fishpen at mga squatters sa paligid ng lawa.
Sinabi ni Manda na sa 90,000 ektaryang lawak ng lawa, nasa 15,000 hanggang 20,000 ektarya ang sakop na ng mga fishpen hindi pa kasama ang mga iligal.
Ayon sa batas, dapat ay 10% lamang o 9,000 ektarya ng lawa ang maaaring gawing fishpen upang lumaki pa ang ibang isda at mabuhay ang mga mangingisda na umaasa sa sariling panghuhuli.
Sinabi ni Fillart na hindi rin napapanahon ang pagtatanggal ng lahat ng fishpen sa lawa dahil sa krisis sa pagkain na nararanasan ng bansa at inaasahang pagtaas ng presyo ng isda kung hindi nila madadala sa merkado ang 45,000 toneladang isda kada taon. Sinabi nito na 30% ng ibinibentang isda sa Metro Manila ay nagmumula sa mga fishpen ng Laguna de Bay.
Nagkasundo naman ang dalawa ng sabihin ni Manda na ibabase nila sa siyentipikong paraan ang pagtatanggal ng mga istruktura sa lawa kung saan uunahin nila ang mga iligal na fishpen at mga bahay ng mga squatters. Inihahanda na rin umano nila ang relokasyon ng mga maapektuhang pamilya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending




















