Multiple arrests vs kidnapers ni Lozada
Inihahanda na ng Senado ang multiple arrest order laban sa mga miyembro ng Police Security and Protection Office (PSPO) na sinasabing sangkot sa pangingidnap kay ZTE witness Jun Lozada.
Sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Alan Peter Cayetano na magkakaroon ng maraming pag-aresto sa tauhan ng PSPO na ayaw dumalo sa pagdinig kapag hindi nakuntento ang komite sa paliwanag ng mga abogado nito sa ginagawang pang-iisnab sa pagdinig.
Nagpadala na ng show cause order ang Blue Ribbon sa naturang mga miyembro ng PSPO upang matukoy kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng contempt.
Kabilang sa mga posibleng ipaaresto sina PCI Julio Gorospe, SPO1 Ig medio Suela, PO2 Randy Aquino, PO1 Mauro Lim Jr., PO1 Julio Ponta-oy, PSSupt. Paul Mascarinas, SPO3 Lou Ochea, SPO2 Jaime Halog, SPO2 Nelson Malto, SPO2 Glicerio Gallinera, SPO1 Jose Batotoc at PO1 William Quillan.
Posible ring ipadampot ng Senado si NAIA Asst. General Manager Angel Atutubo, Asst. GM Octavio Lina, at NAIA general manager Alfonso Cusi na pawang nabigong dumalo sa hearing.
Pinayuhan naman ni Cayetano ang Palasyo na hindi dapat itodo ang pagsasaya matapos nabigong mapiga nitong Martes ang surprise witness na si Engr. Leo San Miguel dahil maraming detalye ng testimonya ng mga nakaraang testigo ang nakumpirma sa kanyang pagdalo.
Sabi ni Cayetano na nakumpirma sa testimonya ni San Miguel na sangkot si ex-Comelec chairman Benjamin Abalos sa ZTE deal at si Ruben Reyes ang siyang kumakatawan sa Filipino Group na nagsasabing may kikitain ang Filipino group kapag natapos ang proyekto. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending