Senado kukuha ng explosive, biogas experts sa G2 blast
Kukuha na rin ng sariling explosive at biogas experts ang Senado na magsasagawa ng hiwalay na pagsusuri sa Glorieta 2 mall upang matingnan kung bomba o methane gas ang sanhi ng pagsabog dito.
Sa isinagawang ocular inspection kahapon, sinabi ni Sen. Gregorio Honasan, chairman ng committee on public order and illegal drugs, base sa kanyang pagtaya sa itsura ng pagsabog na “columnar effect,” walang ipinagkaiba ito sa “pagsabog ng isang granada.”
Kahit si Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng national security and defense, ay iginiit na sa laki ng pinsala na nilikha ng pagsabog ay malabong isang klase ng gas ang nagpasabog dito.
Ani Biazon, sa kanyang tingin ay mistulang bomba ang naging sanhi nito.
Dahil dito, ani Honasan, kokonsulta na rin ang kanyang komite sa isang explosive expert para maisaayos ang “conflicting findings” ng Philippine National Police at ng Ayala Land Inc..
Sa ocular inspection, iginiit ng PNP na methane gas ang sumabog habang ipinipilit naman ng ALI na bomba.
Pero ayon kay Honasan, hindi muna sila magbibigay ng anumang konklusyon sa isinagawang ocular inspection.
“We should be careful about making statements in a highly political situation...that would reveal unnecessary biases,” sabi ni Honasan.
Gayundin, binigyang diin ng Senado na ang layunin ng nasabing pag-iimbestiga ng kanyang komite ay para maamiyendahan, ma-repeal o ma-upgrade ang fire code, building code, human security act (anti-terror act) at rules sa disaster preparedness.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Southern Police District director Chief Supt. Luizo Ticman na hindi na kailangan pa ng panibagong imbestigasyon dahil hindi na rin aniya magbabago ang konklusyon ng PNP na methaine gas ang pinagmulan ng pagsabog. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending