Full automation sa ARMM tiniyak
Nagpalabas kahapon ng isang resolusyon ang Comelec en banc na naglalayong magpatupad na ng “full automation” sa kanilang idaraos na halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ngayong 2008.
Nakasaad sa resolusyon na dalawang uri ng teknolohiya na tinatawag na “direct recording electronic” o DRE at “optical mark reader” o OMR ang gagamitin sa automated election system sa ARMM.
Ang DRE umano na pagboto gamit ang “touch screen” o “touch pad”, ay gagamitin sa lalawigan ng Maguindanao habang ang OMR naman ung saan ang mga balota ay bibilangin sa pamamagitan ng mga “specially designed machines” ay gagamitin sa iba pang bahagi ng rehiyon.
Ayon kay Atty. James Arthur Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, sa pamamagitan nang paggamit ng dalawang magkaibang uri ng makina para sa automated elections systems ay malalaman ng komisyon kung maaari na bang magamit din ang nasabing teknolohiya para sa 2010 presidential elections. (Doris Franche)
- Latest
- Trending