G-2 blast, case closed na
Sarado na umano ang kaso ng Glorietta 2 at hayaan na lamang na maisaayos at manumbalik sa normal ang operasyon ng nasabing mall.
Sa panayam kay Makati City Police chief P/Supt. Gilbert Cruz, sinabi nito na maituturing na case closed na ang hinggil sa G-2 matapos na masampahan na ng kaukulang kaso ang 15 katao na sinasabing responsable ng kapabayaan na naging dahilan ng pagsabog noong Oktubre 19 na ikinasawi ng 11 katao at malubhang ikinasugat naman ng mahigit sa 100 pa.
Sinabi pa ni Cruz na sa korte na lamang pag-usapan o patunayan ng mga nasasangkot, sa panig man ng mga akusado, pulisya at Ayala Land Inc. (ALI) ang kani-kanilang mga alegasyon at ebidensiya dahil nasa korte na umano ang nasabing usapin.
Ayon naman kay Alfie Reyes, spokesman ng ALI na kapag naibalik na ng pulisya sa kanilang control ang blast site ng G-2 ay magkakaroon sila ng sarili nilang assessment at kung kinakailangang gibain ito upang tayuan na panibagong estraktura ay kanilang gagawin upang maiwasan ang anumang pinsala pa na posibleng maidudulot nito.
Samantala, tinanggi kahapon ni PNP Chief, Director General Avelino Razon Jr. ang napaulat ng posibleng pagsasampa nila ng kasong “obstruction of justice” laban sa Ayala Land Inc. dahil sa pagsasagawa ng sariling imbestigasyon ng walang permiso sa pulisya.
Ayon kay Razon, abswelto ang ALI sa anumang kaso dahil sa kawalan ng probable cause o legal na basehan na makapagdiin sa mga huli.
Ito’y matapos na sabihin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Geary Barias na maaaring masampahan ng kaso ang Ayala Land dahil sa hindi pagkuha ng kanilang permiso para mag-imbestiga ang kinuha nilang pribadong imbestigador.
Niliwanag naman ni Razon na na-misquote lamang umano si Barias matapos na kanyang tawagan ito at sabihin sa kanya na hindi niya sinabi na kakasuhan ang Ayala Land.
Sa affidavit naman ng foreign bomb expert Aini Ling na kinumisyon ng Ayala Land, binigyan umano sila ng permiso ng PNP para sa “access” sa naturang blast site.
Iginiit naman ni DOJ Secretary Raul Gonzalez na hindi pa ligtas ang Ayala Land dahil sa pag-aaralan pa niya ang isinumiteng kaso kung saan maaaring makasama pa ito sa kakasuhan. (Rose Tesoro/Danilo Garcia)
- Latest
- Trending