Ranario ligtas na
Pinagbigyan ng Emir ng Kuwait ang pakiusap ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na bigyan ng commutation of sentence ang Pinay worker na si Marilou Ranario na naunang sinentensyahan ng parusang kamatayan ng isang Kuwaiti court dahil sa pagpatay sa kanyang lady employer.
Nagpasalamat naman ang Pangulo kay Sheik Sabah al-Ahmad al Sabah dahil sa ibinigay na commutation kay Ranario matapos silang mag-usap kagabi sa Bayan Palace ng Kuwait.
Ibinaba na lamang ng Emir sa habambuhay na pagkakakulong bilang parusa kay Ranario at hindi na niya pipirmahan ang hatol na bitay dito.
Kasama ni PGMA sa pakikipag-usap sa Emir ng Kuwait sina Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo, Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, Sen. Edgardo Angara at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales.
Ayon sa Pangulo, ang buhay ng bawat Overseas Filipino ay mahalaga dahil sila ang bagong bayani ng ating lahi.
Magugunita na pinaigsi ni Pangulong Arroyo ang kanyang siyam na araw na biyahe sa Europa upang magtungo sa Kuwait at personal na umapela sa Emir para sa kaso ni Ranario.
Hinatulan ng Court of First Instance si Ranario noong Setyembre 28, 2005 ng kamatayan dahil sa pagpatay nito sa kanyang lady employer na si Najat Mahmoud Faraj Mobarak noong Enero 10, 2005.
Nitong February 17, 2007 ay kinatigan ng Court of Appeals ng Kuwait ang naging hatol na kamatayan kay Ranario at nitong November 27 ay kinatigan pa rin ng Kuwait Court of Cassation ang hatol na kamatayan sa OFW.
Apat sa anim na legal heirs ng biktima kabilang ang ina nito, 2 paternal brothers at isang paternal sister ang lumagda na sa affidavit of forgiveness para kay Ranario kapalit ng blood money na $320,000 habang ki nukumbinsi pa ng mga abugado ni Ranario ang dating asawa at maternal brother upang lumagda sa tanazul (affidavit of forgiveness) kapalit ng blood money.
- Latest
- Trending