Liga ng mga Barangay elections pinababantayan sa DILG
Tahasang hiniling kahapon ng Kongreso sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na bantayan at imonitor mabuti ang darating na eleksyon ng mga pamunuan sa Liga ng mga Barangay sa bansa.
Ayon kay Cong. Hermilando Mandanas ng Batangas, at kasalukuyang chairman ng Southern Tagalog Development Committee sa Mababang Kapulungan, na kailangan ang pagbabantay ng DILG sa darating na Liga ng mga Barangay election dahil marami nang nakararating na sumbong sa kanyang opisina na ito ay minamaniobra para mabenipisyuhan ang mga kasalukuyang nakaupong opisyal dito.
Inihalimbawa ni Mandanas ang Marinduque, partikular na ang bayan ng Gasan, na kung saan nagkakaroon na umano ng maniobra sa sistema pa lamang ng bayaran sa Liga ng mga Barangay dues.
Malinaw sa panuntunan ng Liga ng mga Barangay na hindi pwedeng kumandidato ang sinomang punong barangay na may pagkakautang ng Liga dues o butaw.
Sa report na natanggap ni Mandanas na binigyang sipi ang DILG, ayaw umanong tumanggap ng bayad ng kasalukuyang ingat-yaman at ng umano’y pangulo ng Gasan chapter ng Liga na si James Marty Lim ng butaw buhat sa ibang barangay ng naturang bayan.
Ayon kay Punong Barangay Marianito Sena, ng Tabionan, Gasan, napakaraming dahilan ang ibinibigay sa kanila ni Lim at ng ingat yaman nito sa hindi pagtanggap ng kanilang butaw.
“Ilang beses na rin kaming nagpabalik-balik sa bahay at opisina ng aming ingat-yaman at lahat na yata ng dahilan idinahilan na sa amin ni Lim at ang pinakahuli nga nito ay napag-alaman namin na nagbitiw na rin ang kanyang treasurer,” ani Sena.
Si Lim na siya ring pangulo ng Liga ng mga Barangay sa buong bansa ay nahaharap umano sa posibleng pagkatalo dahil mayorya sa 25 punong barangay sa bayan ng Gasan ay ayaw na sa kanyang liderato.
Napag-alaman na 14 sa 25 punong barangay sa Gasan ay nagpahayag na gusto na nilang palitan si Lim. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending