Abalos ’di tetestigo vs GMA
Walang balak si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos na maging testigo laban kay Pangulong Arroyo kaugnay sa kontrobersiyal na $329.4-million ZTE National Broadband Network (NBN) deal sa kabila ng paghahamon sa kanya ng iba’t ibang sector.
Ayon kay Abalos, wala siyang dapat ibunyag dahil pawang katotohanan la mang umano ang mga nauna niyang sinabi sa Senate inquiry. Aniya, hayaan na lamang na lumitaw ang katotohanan upang wala nang iba pang tao na madamay.
Bumalik kahapon si Abalos sa tanggapan ng Comelec para pormal na makapagpaalam sa kanyang mga empleyado. Aniya, ang kanyang pagbibitiw ang magsisilbing legacy niya sa komisyon.
Naniniwala ang ilang senador na maraming “alas” na hawak si Abalos laban kay Pangulong Arroyo at mas makakatulong ito kung tetestigo laban sa Presidente.
Ayon kay Sen. Alan Cayetano, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, mas hahangaan si Abalos kung ituturo nito kung sinu-sino pa ang nasa likod ng NBN deal.
Sinabi pa ni Cayetano na malaking ‘victory’ para sa oposisyon ang ginawa ni Abalos, pero mas malaking tulong kung ibubunyag nito ang iba’t ibang anomalya sa pamahalaang Arroyo.
Kung gugustuhin umano ni Abalos na ‘malinis’ ang kanyang pangalan, dapat ay sabihin na nito ang lahat ng kanyang nalalaman.
Nanawagan din si Cayetano kay dating NEDA director general Romulo Neri na sumunod na rin sa yapak ni Abalos sa ginawa nitong pagbibitiw.
Idinagdag ni Cayetano, higit na magiging malinis ang pangalan ni Neri kung magre-resign din ito at magtuturo kung sinu-sino pang matataas na opisyal ng pamahalaan ang tumanggap ng ‘kickback’ sa ZTE deal.
Sinasabing tinangkang suhulan ni Abalos ng P200-M si Neri upang aprubahan ang naturang broadband deal.
Samantala, tiniyak naman ni Comelec Commissioner Resureccion Borra na hindi makakaapekto sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ang pagbibitiw ni Abalos dahil nakalatag na ang plano para sa pagpapatakbo ng eleksyon at nakipag-ugnayan na rin siya sa Philippine National Police. (May ulat nina Malou Escudero at Danilo Garcia)
- Latest
- Trending