Neri bibitbitin ni GMA sa Amerika
Isasama ba o hindi ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Commission on Higher Education at dating National Economic Development Authority secretary-general Romulo Neri sa pagtungo niya sa United States ngayong Martes?
Lumitaw ang katanungang ito dahil sa magkataliwas na ulat hinggil sa posibleng pag-alis ni Neri palabas ng bansa isang araw bago ang takdang pagharap niya sa imbestigasyon ng Senado sa anomalya sa $330 milyong kontrata ng pamahalaan sa ZTE Corp. ng China para sa National Broadband Network project.
Sa isang pagdinig sa House of Representatives, iniulat ng ABS-CBN na binanggit ni Neri na sinabihan siya ng Department of Foreign Affairs na kasama siya ng Pangulo sa pagtungo sa US para dumalo sa isang pulong sa United Nations.
Tatalakayin ng Pangulo sa UN ang millenium development goal ng pamahalaan na kabilang sa nagplano ay si Neri noong nasa NEDA pa siya.
Gayunman, ayon sa ulat, hindi malinaw kung tinanggap ni Neri ang imbitasyon sa pagtungo sa US.
Nais malaman ng Senado kung ano ang nalalaman ni NERI sa kontrata sa NBN dahil tinanggihan niya ito noong namumuno pa siya sa NEDA.
Kahapon ng hapon, iniulat ng ABS-CBN na pinabulaanan ni Press Secretary Ignacio Bunye na kasama si Neri sa biyahe ng Pangulo. Kina launan kahapon din, tinuwid ito ni Bunye at sinabing kasama si Neri. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending