Mag-asawang opisyal ng BJMP pinapa-lifestyle check
Isang mag-asawa na kapwa mataas na opisyales ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang inireklamo sa Office of the Ombudsman at sa Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) sa pagkakaroon umano ng hindi maipaliwanag na kayamanan.
Isang liham ang natanggap ng Ombudsman at PAGC nitong Setyembre 21 buhat sa isang hindi nagpakilalang “taxpayer” kung saan inirereklamo sina Jail Chief Supt. Benito Dorigo at misis nitong si J/Sr. Supt. Doris Dorigo.
Sa liham na may petsang Setyembre 17, 2007, nakasaad dito ang kahilingan kay Ombudsman Merceditas Guttierez at PAGC chairman Constancia de Guzman na imbestigahan ang mga kayamanan ng mag-asawa na inaakusang nakuha umano sa pera ng gobyerno.
Kabilang dito ang mga ari-arian ng mag-asawang Dorigo sa Calamba, Laguna, at sa bagong biling bahay sa Teacher’s Village sa Quezon City. Bukod pa dito ang pagkakaroon ng mamahaling kotse na Mitsubishi Pajero at Estrada pick-up na nabili nito kamakailan.
Isinantabi naman ng BJMP ang naturang sumbong laban sa mag-asawang Dorigo. Sinabi ni BJMP spokeswoman J/Insp. Michelle Bonto-Ng na posibleng may kaugnayan ang naturang sumbong ng umano’y katiwalian sa pagreretiro ng kanilang hepe na si Director Armando Llamasares sa darating pang Marso 2008.
Isa umano sa matibay na kandidato si Gen. Dorigo, kasalukuyang hepe ng Directorate for Human Resources, para humalili kay Llamasares kasama sina C/Insp. Diony Mamaril at C/Insp. Rosendo Dial. Ang tatlo ang posibleng makasama sa “shortlist” na ipapadala ni DILG Secretary Ronaldo Puno sa Malacanang para pagpilian ni Pangulong Arroyo. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending