Pinugutang 10 Marines naiganti na – AFP
Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kahit papaano’y naiganti na nila ang 10 Marines na pinugutan ng mga bandidong Abu Say yaf noong Hulyo 10, sa pagkakapatay ng mga pangunahing lider ng grupo sa engkuwentro nitong nakaraang Sabado sa Basilan.
Sinabi ng AFP na kasama sa 42 napatay na Sayyaf sina Kumander Furugi Indama at kapatid nitong si Umair, alyas Abu Jihad. Si Umair ang pinaniniwalaang pinuno ng grupo ng ASG na pumugot sa ulo ng 10 Marines.
Itinuturing umano nilang tagumpay sa panig ng pamahalaan ang engkuwentro nitong nakaraang Sabado dahil ilang lider ng ASG ang pinaniniwalaang napatay nila.
Kahapon ay muling pinaulanan ng bomba ng AFP ang tatlong posisyon ng Abu Sayyaf sa Basilan.
Sa ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), inumpisahang paulanan ng 105-mm howitzers dakong alas-6:30 ng umaga ang mga hangganan ng bayan ng Tipo-Tipo, Sumisip at Ungakaya Pukan sa Basilan.
Bahagya namang humupa ang harapang sagupaan ng mga sundalo at mga bandido ngunit patuloy pa rin na nagsasagawa ng “reconnaissance operations” ang AFP sa mga kuta ng bandido.
Sinabi ni AFP Spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na patuloy pa ring hinahabol ng kanilang puwersa ang mga bandido.
Sapat naman anya ang kanilang puwersa para lipulin ang ASG at hindi na kailangan pang magdagdag.
Sa kabila ng pagkasawi ng 15 pa nilang tauhan, nanatili pa rin umanong mataas ang morale ng kanilang mga sundalo at desidido na lipulin na ang mga terorista.
Ipinagbawal naman ng AFP ang muling paglipad ng mga MG 520 attack helicopter habang iniimbestigahan nila ang dahilan ng pagbagsak ng isa nito sa Basilan, kamakalawa kung saan nasawi ang piloto nito.
Sinabi ni Bacarro na nagsasagawa muna sila ng imbestigasyon sa dahilan ng pagbagsak nito matapos na kumpirmahin na hindi tinamaan ng bala ng mga bandido ang helicopter kaya bumagsak. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending