Tagtuyot paghandaan na - PAGASA
Pinaghahanda na ng Philippine Athmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan maging ang publiko kaugnay sa nararanasang dry spell o pagkatuyo ng kapaligiran sa bansa.
Ayon sa PAGASA, mababa pa sa normal ang dami ng ulan na ibinabagsak kaya’t nauwi ito ngayon sa dry spell conditions at pagbaba ng antas ng level ng tubig sa mga dam.
Sa pinakahuling talaan ng PAGASA, kulang ng 13.62 metro ang antas ng tubig sa Angat dam mula sa normal na 186.29 metro. Sa Magat dam, kulang ng 12.60 metro ang tubig mula sa dapat ay 178.08 metro habang sa Pantabangan ay kulang ng 7.73 metro mula sa normal na 200 metro.
Dahil dito, apektado ang suplay ng kuryente sa maraming lugar sa bansa dahil hindi makapag-generate nang husto ng enerhiya ang mga hydropower plants sa bansa. Naantala na rin ang pagtatanim sa maraming lugar partikular sa Luzon dahil walang ulan at hindi kayang paganahin ang mga irrigation system. Magiging madalas din umano ang insidente ng sunog dahil sa sobrang pagkatuyo ng mga halaman.
Dahil dito, naglatag ng tatlong scenario ang PAGASA kapag humantong sa drought condition o tagtuyot ang panahon sa bansa.
Una, posible umanong magkaroon ng pagbabago o transition mula neutral patungong La Nina sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre
Kapag nangyari ito, inaasahang ang kondisyon ng ulan ay maging malapit o sobra pa sa normal na dami sa maraming bahagi ng bansa.
Ikalawa, posibleng mauwi sa mas mahaba pang dry spell o pagkatuyo ang kapaligiran hanggang tagtuyot ang kondisyon ng bansa hanggang matapos ang kasalukuyang taon. Ito ay kapag nagbago ang lugar ng intertropical convergence zone (itcz) partikular kapag tumaas ito ng direksyon o pa-southward sa halip na sa may bahagi ng Luzon.
At ikatlong scenario, posibleng magtuloy-tuloy ang dry spell o tuyong kapaligiran hanggang 3rd quarter ng taon. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending