Stampede sa Comelec: 20 sugatan
Tinatayang 20 kabataan ang isinugod sa pagamutan matapos na magkaroon ng stampede sa Comelec habang nasa kalagitnaan ng registration para sa da rating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre.
Alas-4 ng hapon ng magsimulang magkatulakan ang mga kabataan habang nakapila sa pagkuha ng registration form sa tanggapan ng Comelec sa Arocerros, Maynila.
Ayon sa mga kabataan, madaling-araw pa lamang ay nakapila na sila subalit dahilan sa maraming sumisingit sa pila kaya nagkaroon ng tulakan kaya naipit ang mga biktima at ang ilan ay nadaganan pa ng lamesa.
Ayon kay Atty. Jovencio Balanquit, election officer 4 ng Comelec, 2,400 lamang ang kaya nilang i-accomodate kada araw subalit ang dumadating sa kanilang tanggapan ay 4,000 kabataan kada araw.
Inamin ni Balanquit na kulang na kulang sila sa computer dahil 8 lamang ang ginagamit nila gayundin sa tao dahil karamihan sa kanilang staff ay galing pa sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros.
Inaasahan na mas magiging madugo pa ang gaganaping rehistrasyon sa huling dalawang araw sa Hulyo 21 at 22. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending