Balasahan sa Senado nakaumang na
Naghahanda na umano ang oposisyon sa pinaplanong balasahan sa Senado kung saan pangunahing agenda ay patalsikin sa puwesto ang mga kaalyado ng Malacañang.
Ayon sa report, nagpulong nitong Huwebes ng gabi ang pitong senador na sina Panfilo Lacson, Jinggoy Estrada, Mar Roxas, Jamby Madrigal at mga senatoriables na sina Loren Legarda, Noynoy Aquino at Alan Peter Cayetano para pag-usapan ang Senate presidency at pagbalasa ng mga komite.
Sa kasalukuyan ay hawak ng dalawang kasapi ng Wednesday Group na kaalyado ni Senate President Manny Villar ang makapangyarihang Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Joker Arroyo at ang Rules Committee ni Majority Leader Sen. Francis Pangilinan.
Ayon sa ulat, 12 boto lamang ang kailangan para makuha ng oposisyon ang pamumuno sa mga komite tulad ng public works, ways and means, public services and franchises na pawang hawak ng administration senators.
Bukod sa pito na dumalo sa pulong, kaalyado din ng oposisyon ang mga hindi nakadalong sina Pia Cayetano at Rodolfo Biazon.
Ang iba pang miyembro ng oposisyon ay sina Aquilino “Nene” Pimentel Jr., Francis Escudero, Antonio Trillanes, Aquilino “Koko” Pimentel III at Villar.
Samantala sina Miriam Defensor, Ramon “Bong” Revilla, Lito Lapid, Edgardo Angara, Juan Ponce Enrile at Joker Arroyo ang mga senador na nalalabing maka-administrasyon.
Hindi naman tiyak ang posisyon ng tatlong senador na sina Francis Pangilinan at Gregorio Honasan na tumakbong independent at si Sen. Richard Gordon.
Sa tantiya ni Jinggoy, posibleng sumama si Honasan sa kanyang mentor na si Enrile habang hinihintay pa ng grupo ang pagdating ni Pangilinan mula sa Europa kung kanino siya makiki-alyansa.
- Latest
- Trending