GO umangal: Media quick count pinatigil ng Comelec
Ipinahinto na kahapon ng Commission on Elections ang lahat ng quick count na isinasagawa ng mga television at radio stations dahil na rin sa pagsisimula ng official canvassing ng National Board of Canvassers sa mga boto para sa mga kandidatong senador.
Ayon kay Comelec Chairman Benjamin Abalos, hindi na nila pina payagan ang unofficial count ng mga television at radio stations kahit pa man ilagay nito ang source o basehan ng kanilang bilang.
Tanging ang National Movement for Free Election na lamang ang awtorisado na magsagawa ng quick count na isinasagawa sa La Salle Greenhills sa San Juan, Metro Manila.
Sinabi pa rin ni Abalos na napadalhan na ng kanilang law department ng sulat ang mga media stations at umaasa itong tatalima sa kautusan at sakaling hindi umano sumunod ay nakatakdang kasuhan ng contempt of court.
Gayunpaman, inihayag ng ABS-CBN na hindi pa man nila natatanggap ang sulat ng Comelec law department ay kanila nang itinigil ang kanilang quick count nang mag-convene ang National Board of Canvassers.
Tiniyak naman ni Abalos na kanilang tatapusin sa loob ng 10 araw ang canvassing para sa senatorial elections.
Inangalan naman ng Genuine Opposition ang pagpapatigil ng administrasyon sa isinasagawang unofficial media quick count sa resulta ng ginanap na eleksyon sa bansa.
Hinamon ni GO Spokesman Atty. Adel Tamano ang administrasyon na kung talagang malinis ang eleksyon at walang pinaplanong pandaraya ang Team Unity ay hayaang magpatuloy ang tabulasyon sa media quick count partikular na sa senatorial race.
Para anya maiwasan ang mga dayaan gaya ng Dagdag Bawas operation ay mahalaga ang pagbabantay ng media sa kaganapan ng pagbibilang ng mga balota.
Kaugnay nito, sinabi ni Tamano na ang resulta ng senatorial race kung saan mayorya sa mga kandidato ng GO ang umaariba ang panalo ay patunay lamang na marami na sa taumbayan ang dismayado sa gobyerno. (Grace Dela Cruz at Joy Cantos)
- Latest
- Trending