^

Bansa

Baladjay hindi palalabasin ng senado

-
Inutos kahapon ni Senate President Franklin Drilon sa Office of the Senate Sergeant-of-Arms na huwag pahintulutang makaalis sa premises ng Senado si Rosario Baladjay ng Multitel kasabay ang banta na kapag sa susunod na hearing ng komite ay nabigong tukuyin pa rin ng Multitel head kung saan nito dinala ang nalikom niyang salapi ay muli niya itong ipakukulong sa Senado.

Hindi nakuntento si Drilon sa naging tugon ni Baladjay na hindi niya puwedeng ibunyag kung saan siya nag-invest sa Europe dahil sa may nilagdaan siyang non-disclosure agreement sa kanyang principal na nasa abroad kaya muling inutos nito sa komite na i-contempt ito at ikukulong sa Senado.

Hinamon din ni Sen. Robert Barbers si Baladjay na ibunyag nito sa publiko kung mayroong mga senador, kongresista o government officials na kabilang sa kanyang mga investors.

Sinabi ni Sen. Barbers, dapat ibigay ni Baladjay ang kumpletong listahan ng kanyang mga investors sa susunod na hearing ng senate committee on trade and commerce na pinamumunuan ni Sen. Robert Jaworski.

Ayon kay Barbers, wala siyang intensiyong hiyain kung sinumang senador, kongresista o opisyal ng gobyerno ang kabilang sa may 950,000 investors ng Multitel na ngayon ay nagnanais mabawi ang kanilang investments.

Idinagdag pa ng senador, kung mayroon mang mga senador o kongresista na kabilang sa naging investors ng Multitel ay hindi dapat mahiyang lumantad dahil biktima lamang sila ng pyramid scam.

Sinabi naman ni Sen. Rodolfo Biazon sa korte na unahin nito ang kapakanan ng mga naging biktima ng Multitel pyramid scam upang maibalik kaagad sa mga ito ang kanilang inilagay na puhunan.

Ani Biazon, hindi dapat maging hadlang sa korte ang pagsasailalim sa custody ng Senado kay Baladjay upang makapagsagawa ito ng agarang paglilitis upang mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng pyramid scam.

Idinagdag pa ni Biazon, puwede namang dumalo si Baladjay sa mga court hearings kahit na ito ay nasa ilalim ng custody ng Senado matapos siyang ma-contempt dahil sa pagtangging sagutin nito kung saan niya dinala ang pera ng kanyang mga local investors.

Mananatili si Baladjay sa holding room ng OSSAA sa Senado hanggang hindi pa ito pinapayagan ng komite na ibigay naman sa custody ng Makati Regional Trial Court branch 143 matapos magpalabas ng warrant of arrest dito si Judge Salvador Abad Santos kaugnay sa isinampang syndicated estafa dito ng may 25 complainant. Walang ipinagkaloob na piyansa para kay Baladjay.

Ipinaliwanag ni Baladjay sa senate inquiry na nagsimula siya sa kanyang lending business noong 1988 kung saan ay ilang indibidwal pa lamang ang kanyang investors hanggang sa makilala nito si Conrado Arriola ng Arrioslites noong 2000 at itayo nila ang Multitel International Holdings Corp.

Nagkahiwalay umano sina Baladjay at Arriola hanggang sa itayo nito bilang presidente ang Multitel International Telecom Corp. noong September 2001.

Mula sa inisyal na 500 investors ay napalago niya ang recruitment sa loob ng 6 buwan.

Iginiit naman ni Baladjay na nakahanda siyang ibalik ang pera ng kanyang mga investors pero dapat ay magkaroon muna ng evaluation ang Multitel sa mga ito. (Ulat ni Rudy Andal)

ANI BIAZON

BALADJAY

CONRADO ARRIOLA

DRILON

IDINAGDAG

INVESTORS

JUDGE SALVADOR ABAD SANTOS

MULTITEL

SENADO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with