^

Bansa

P19-M lotto winner pinatay

-
Kamatayan ang inihatid sa buhay ng isang 58-anyos na dating taxi driver ng pagkapanalo nito ng P19 milyong jackpot prize sa mega lotto makaraang pasukin sa tahanan nito ng lima hanggang pitong armadong lalaki na pawang naka-bonnet at barilin hanggang sa mapatay sa Antipolo City, Rizal kahapon ng madaling araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang kinilalang si Arturo Eupena, may asawa, walang anak, tubong Sta. Magdalena, Sorsogon at residente ng Lot 2 Block 9 Nazareneville subdivision, Brgy. San Roque ng nasabing lungsod.

Nagtamo ito ng mga tama ng bala ng baril sa batok at tiyan.

Base sa imbestigasyon ni SPO1 Felipe Matias, may hawak ng kaso, dakong 1:50 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa tahanan ng mga Eupena.

Napag-alaman na nagdiwang ng kanyang ika-58 kaarawan ang biktima nitong Sabado at inabot ng hanggang madaling araw ng Linggo ang selebrasyon. Sa kasiyahang ito umano niya kinumpirma sa mga kapitbahay na nanalo nga ito sa lotto.

Sa pahayag ng ampon ng biktimang si Reynan Eupena, 31, matapos ang b-day celebration ay natulog na sila, ang ama-amahan sa kuwarto habang ang ampon ay sa sala kasama ang kaibigan nitong si Rico Guano.

Nakakaidlip pa lamang umano sila ng biglang pasukin ng armadong lalaki at pilit na pinalalabas ang napanalunan nitong malaking pera sa lotto, subalit wala naman umano ito sa kanilang bahay at nakadeposito sa bangko.

Nasa ganitong tagpo ng marinig ni Reynan ang komosyon.

Base sa kanyang nasaksihan, tinutukan umano ang kanyang amain ng baril sa ulo ng isa mga suspek habang ang iba ay naghahalughog sa buong kabahayan sa pagbabakasakaling dito nakatago ang pinanalunan ng biktima sa lotto.

Nabatid pa na may kalibre .45 ng baril si Eupena na kabibili lamang nito pero hindi na nagawang maiputok pa dahil naka-safety lock at naunahan na ng mga suspek.

Hindi pa nakuntento matapos mapaslang ang biktima ay tinangay pa ng mga suspek sa kanilang pagtakas ang bagong biling Toyota Grandia van na kulay puti bukod pa sa hindi madeterminang pera na nakuha sa loob ng kuwarto ng biktima subalit maliit lamang ito.

Isang kapitbahay na nagngangalang Maria Luisa Escalante ang nagreport ng insidente sa Antipolo City Police matapos na makarinig ng putok ng baril mula sa bahay ng biktima.

Wala sa bahay ang asawa ng biktima na si Leticia ng maganap ang krimen.

Samantala, nakaligtas ang kaibigan na si Guano na nagawang makapagtago sa kusina.

Lumilitaw pa sa imbestigasyon, nagbalato pa umano ang pamilya Eupena ng tig-P5,000 sa mga kamag-anak, P500 sa mga kapitbahay at nakabili na rin ng bagong sasakyan habang ipinagawa na rin ang kanilang bahay.

Noong una ay lihim lamang umano ang pagkakapanalo subalit dahil sa kadaldalan umano ng ampon ng biktima ay nabunyag din ito sa mga kapitbahay.

Ayon sa pulisya, dahilan sa pagbo-blowout ng pamilya ay nalaman sa buong Antipolo City na nanalo ito ng P19-M na maaring siyang pinag-interesan ng mga suspek.

Napag-alaman pa sa mga kapitbahay na parang piyesta araw-araw sa kanilang lugar dahil araw-araw ay may kainan. Nabatid din na 22-katao ang trabahador na gumagawa sa kanyang bahay kung saan pakain na, painom pa.

Sa panayam kay Reynan, ang ina nito ang tumaya sa lotto at ang numerong nanalo ang siya namang alagang numero ng kanyang ama. Mahilig anyang tumaya sa mga raffle ang biktima lalo na sa lotto.

Si Eupena ay nagwagi nitong Oktubre 12 na ang premyo ay P9-M lamang pero iginigiit ni Reynan na P19 milyon ang napanalunan nito.

Naglunsad na ng malawakang manhunt operations ang Antipolo city laban sa mga salarin. (Ulat ni Joy Cantos)

ANTIPOLO CITY

ANTIPOLO CITY POLICE

ARAW

ARTURO EUPENA

BIKTIMA

EUPENA

FELIPE MATIAS

REYNAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with