House panel ipatatawag Remulla, PDEA chief sa P3.5 bilyon ‘Laos’
MANILA, Philippines — Iimbestigahan ng House Committee on Dangerous Drugs ngayon Oktubre 22 ang tangkang pagpupuslit ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon mula Laos patungong Pilipinas.
Ayon kay Las Piñas City Rep. Mark Anthony Santos, chairman ng komite, ipatatawag sa pagdinig sina Interior Secretary Jonvic Remulla at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isagani Nerez, kasama ang 10 iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.
Layunin ng pagdinig na alamin ang mga beripikadong impormasyon tungkol sa shipment, ang posibleng kaugnayan nito sa Pilipinas, at ang mga hakbang upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga sa mga operasyong tumatawid sa iba’t ibang bansa.
Una nang tinukoy ni Remulla si Edriezan Hadji Nasser Rimbang, dating miyembro ng Bangsamoro Parliament, bilang umano’y financier ng operasyon. Iniimbestigahan din si Police Executive Master Sergeant Aileen Mendoza ng PNP Aviation Security Group, na sinibak sa puwesto at inilagay sa restrictive custody, at si Capt. Rioklyn Toledo, dating commercial airline pilot na kilala sa alyas na “Boyet.”
Ayon sa ulat, si Toledo umano ang nag-ayos ng biyahe ng pribadong eroplano mula Malaysia patungong Laos. Nasamsam ang hinihinalang shabu sa Luang Prabang International Airport sa Laos habang sumasailalim sa customs clearance ang 23 bagahe na nakatakdang ikarga sa isang chartered Learjet 55B patungong Maynila. Idineklara umanong mga produktong vape ang laman ng mga bagahe.
- Latest




















