2 holdaper todas sa shootout
Oplan Sita sa Taguig
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang lalaking hinihinalang sangkot sa panghoholdap matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng Southern Police District (SPD) sa isinagawang “Oplan Sita” sa Taguig City, Huwebes ng umaga.
Ayon kay SPD Director PBGen. Rodel Pastor, isa sa mga nasawi ay kinilalang si alyas “Jiboy,” na umano’y miyembro ng Ocho Sakto Gang at sangkot sa kasong frustrated murder noong Setyembre 29, 2026 habang ang isa pa ay sangkot din sa serye ng mga panghoholdap.
Naganap ang engkuwentro dakong alas-10:58 ng umaga nitong Oktubre 22 sa Arca South, Brgy. Western Bicutan.
Batay sa ulat, pinara ng mga pulis ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo. Ngunit sa halip na sumunod, tumakbo umano ang mga ito patungo sa isang barung-barong habang hinahabol ng mga awtoridad.
Doon umano pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis na gumanti ng putok, dahilan upang kapwa sila mapatay.
Ayon kay Pastor, isasailalim sa ballistic examination ang mga baril na narekober upang matukoy kung nagamit ang mga ito sa iba pang krimen.
- Latest
















