EDITORYAL - Suporta sa creative industry, paigtingin
Muling napag-usapan ang suporta sa creative industry matapos ihain ang Senate Bill No. 2517 o ang proposed PACE Act.
Layunin ng panukalang batas na lumikha ng ahensiyang tutulong sa Filipino artists at creative workers sa visa, biyahe, logistics, international promotion at pagpasok sa global market.
May dahilan kung bakit seryoso ang usaping pang-ekonomiya na ito.
Noong 2025, umabot sa P2.12 trillion ang creative economy ng Pilipinas, katumbas ng 7.6 porsiyento ng GDP, at umabot sa 8.71 milyon ang trabaho sa sektor.
Ibig sabihin, hindi sapat na sabihing maraming talented na Pilipino at malaki ang kinikita ng creative economy.
May development plan na rin ang gobyerno.
Ang Philippine Creative Industries Development Plan 2025-2034 ay may target na gawing premier creative hub ng Asia ang Pilipinas at nakatuon sa entrepreneurship, technology, international collaboration at capacity-building.
Pero may mas mahalagang tanong: sino ang tunay na nakikinabang habang lumalaki ang sektor?
Maraming creative workers ang nasa freelance at contract arrangements.
Ayon sa isang pag-aaral ng DOLE Institute for Labor Studies, nananatili ang problema sa unstable work arrangements, social protection at access sa mechanisms para maipaglaban ang kanilang welfare. working conditions
May isa pang hamon: ownership.
Binibigyang-diin din ng government research ang pangangailangang lumipat mula sa simpleng creative participation patungo sa creative ownership, kung saan hindi lamang Pilipino ang gumagawa ng produkto kundi Pilipino rin ang nagmamay-ari ng intellectual property at mas malaking bahagi ng value na nalilikha nito.
Magandang makita ang Filipino artists sa international festivals, concerts, films at digital platforms.
Pero ang tunay na sukatan ng isang malakas na creative economy ay hindi lamang kung gaano karaming Pilipino ang napapansin sa abroad.
Mas mahalaga kung ang talento ay nagiging sariling negosyo, sariling intellectual property at disenteng trabaho na may pangmatagalang halaga para sa Pilipino.
Paigtingin ang pagsuporta sa creative industry. Dito nakikita ang pag-angat ng mga Pilipino.
- Latest















