3 ex-CJ: Impeachment ‘di nakapako sa 16 boto

MANILA, Philippines — Hindi umano nakapako sa 16 boto ang kinakailangang bilang para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial sa Senado.
Ito ang lumabas sa pagdinig nitong Miyerkules matapos humarap bilang amici curiae o “friends of the court” ang tatlong dating Chief Justice ng Korte Suprema na sina Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban, at Reynato Puno.
Ayon kay Davide, hindi dapat awtomatikong gamitin ang buong 24 senador bilang basehan. Dapat lamang bilangin ang mga kwalipikadong bumoto at hindi isama ang mga nagbitiw, napatalsik, incapacitated, nasa labas ng hurisdiksiyon, o legal na napipigilang gampanan ang tungkulin.
Isa sa mga binanggit niya ay ang kaso ni dating Sen. Antonio Trillanes IV, na nanalo sa 2007 senatorial elections habang nakakulong dahil sa mga kasong coup d’état. Gayunman, ibinasura ng isang korte sa Makati ang kanyang kahilingan na makadalo sa mga sesyon at pagdinig ng Senado.
“Clearly then, the basis of computing the two-thirds must be the number of senators who are qualified to vote. Not the 24 in the present Senate,” sabi ni Davide sa kanyang memorandum.
Hindi aniya dapat isama ang lahat ng nadiskwalipika dahil sa mga dahilang nabanggit na.
Nagsilbing presiding officer si Davide sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Kinilala naman ni Panganiban na sa matematika, 2/3 ng 24 ay 16. Ngunit aniya, hindi ito palaging ganoon sa realidad. “24 multiplied by two-thirds is always 16 in the abstract. But not always in reality,” paliwanag niya.
Giit niya, maaaring magbago ang denominator depende sa aktuwal na sitwasyon at aktibong paglahok ng mga senator-judge.
Para kay Puno, hindi tahasang sinabi ng Konstitusyon na 16 ang kinakailangang boto, kundi two-thirds. Kaya’t maaaring gumalaw ang bilang depende sa legal na salik. Pabor siya sa “contextual and functional” na interpretasyon batay sa aktuwal na kalagayan ng Senado.
May kabaligtarang pananaw si retired Associate Justice Adolfo Azcuna. Giit niya, fixed dapat ang threshold sa 16 dahil ang salitang “all” sa “all the Members of the Senate” ay nangangahulugang lahat ng 24 senador. Aniya, ang pagpapalit-palit ng denominator ay magpapahina sa supermajority requirement.
Nagkaiba rin ang mga dating mahistrado kung maaaring bumoto ang senator-judge na hindi dumalo sa trial. Para kay Panganiban, mahalaga ang aktibong pakikilahok. Ngunit sina Puno at Azcuna ay naniniwalang maaaring suriin ng senador ang trial records kahit hindi personal na nakadalo. Para kay Davide, non-participant ang senador na hindi gumanap ng anumang tungkulin sa trial.
Nagkaiba rin sila sa paggamit ng Avelino v. Cuenco (1949) na tumalakay sa quorum ng Senado. Para kay Davide, maaaring magsilbing gabay; para kay Puno, hindi perpektong precedent ngunit may prinsipyo; para kay Azcuna, hindi ito applicable dahil quorum ang paksa, hindi two-thirds vote.
Sa ngayon, nananatiling umiiral ang ruling ni Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na 16 boto ang kailangan para ma-convict si Duterte—hangga’t hindi ito binabago ng impeachment court.
Sa Setyembre 23, nakatakdang iharap ng House prosecution at kampo ni Duterte ang kani-kanilang argumento bago magpasya ang mga senator-judge sa kontrobersyal na tanong kung 16 ba talaga ang kailangan o puwedeng magbago ang bilang.
Apat sa kasalukuyang 24 na senador-hukom ay hindi nakakadalo sa paglilitis na kinabibilangan nina Sen. Loren Legarda na naka-medical leave, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na nagtatago at Sens. Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada na mga nakakulong.
- Latest
















