Meta CEO Zuckerberg pinahaharap ng Kamara
MANILA, Philippines — Ipinatatawag ng Kamara si Meta Chief Executive Officer (CEO) Mark Zuckerberg matapos itong isyuhan ng subpoena para dumalo sa pagdinig hinggil sa kaligtasan sa social media, partikular sa epekto ng mga bayolenteng insidente sa kabataan.
Nitong Miyerkules ng gabi, ipinagpaliban muna ng Kamara ang deliberasyon sa panukalang P10.68 bilyong pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Ayon kay Philreca Partylist Rep. Presley de Jesus, dapat munang matukoy kung paano mapipigilan ang mapanganib na online content, masugpo ang mga scam, at matiyak ang kasunduan ng pamahalaan sa mga social media platforms bago ipagpatuloy ang pagtalakay sa pondo.
“Without that information, it is difficult for Congress to properly assess the resources being requested are producing the intended outcomes,” ani De Jesus sa plenaryo.
Ang pagdinig ay nakatuon sa pananagutan ng mga social media platforms sa paglaganap ng online sexual abuse at exploitation ng mga bata, illegal online gambling, cyberbullying, at pagka-adik sa social media.
Kinikilala ni DICT Secretary Henry Aguda ang oversight function ng Kamara upang tiyakin ang pananagutan ng mga pangunahing social media platforms sa mga illegal na aktibidad online. Aniya, mahalagang maipatawag si Zuckerberg upang personal na magpaliwanag sa isyu.
Gayunman, hindi pa tinukoy ni Aguda kung kailan maaaring magpartisipa si Zuckerberg sa pagdinig ng Kamara.
?
- Latest





















