Aresto kay Romualdez, ‘drama’ lang - Sara
MANILA, Philippines —Tinawag ni Vice President Sara Duterte na ‘drama’ ang pag-aresto ng mga awtoridad kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Reaksiyon ito ni VP Sara sa naunang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na nagsabing nais ng Bise Presidente ng ‘drama’ bago maglagak ng piyansa sa kinakaharap na kasong grave threats sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).
“Siya ‘yung may gusto ng drama,” ayon pa kay VP Sara, sa isang ambush interview, matapos na dumalo ito sa kanyang arraignment sa naturang kaso kahapon ng umaga, na malaunan ay ipinagpaliban din base na rin sa kahilingan ng kanilang kampo.
Dagdag pa ng Bise, ang tunay na ‘drama’ ay ang pag-aresto kay Romualdez, na kasalukuyang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center matapos na maaresto.
“Ang totoong drama kung makikita ninyo ay ‘yung pag-aresto kay Martin Romualdez,” aniya.
Una nang sinabi ni Remulla na nais ni VP Sara na makulong sa Camp Crame, kahit na bailable naman ang kinakaharap nitong kasong grave threats sa hukuman, ngunit tumanggi silang gawin ito sa Bise Presidente.
“Ang drama nila gusto nila makulong siya. Hindi kami pumayag. We wanted to go according to the rules of law and the rules of court,” anang kalihim.
Pinabulaanan naman ito ni VP Sara at sinabing sa mga susunod na araw ay maglalabas sila ng pahayag hinggil dito.
- Latest






















