Gilas buhay pa sa World Cup spot

MANILA, Philippines — Mula sa apat na dikit na kamalasan ay dalawang sunod na panalo ang inilista ng Nationals para sumilip ng tsansa sa 2027 FIBA World Cup.
Itinumba ng Gilas Pilipinas ang Iran, 68-56, sa second round ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers Window 4 kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumamada sina Dwight Ramos at Juan Gomez De Liano ng tig-16 points para sa 4-4 baraha ng Gilas Pilipinas sa Group E, habang humakot si 7-foot-3 Kai Sotto ng 13 markers at 16 rebounds.
“Both games we’re down in the beginning and we’re able to comeback,” ani Ramos sa nauna nilang 82-81 overtime win sa Jordan. “It did show our fighting spirit and our togetherness.”
Nagtala si June Mar Fajardo ng anim na puntos at dalawang boards para sa kanyang ika-70 FIBA game kasabay ng pagtatapos ng 13 taon niyang serbisyo para sa Gilas Pilipinas.
Laglag ang Iran sa 5-3 marka kasama ang naunang 91-93 overtime loss sa New Zealand.
Matapos kunin ng mga Iranians ang first period, 18-7, at ang 23-12 bentahe sa second quarter ay nakabangon ang Nationals para agawin ang 36-34 halftime lead.
Ang slam dunk ni Sotto at drive ni Ramos ang naglayo sa Gilas Pilipinas sa 61-54 sa huling 4:10 minuto ng final canto bago iwanan ang Iran sa 66-56 sa nalalabing 1:34 minuto.
Muling sasabak ang Nationals sa Window 5 at 6 at haharapin ng dalawang beses ang Syria (Nobyembre 28 at Marso 1, 2027) at Iran (Disyembre 1 at Pebrero 26, 2027).
Samantala, dumiretso ang Australia sa pang-walong sunod na panalo matapos itumba ang Jordan, 126-93, tampok ang 19 points ni Anthony Dell’Orso.
Sa unang laro, pinadapa ng New Zealand ang Syria, 126-74, para sa 6-2 kartada ng Tall Blacks.
Nahulog ang mga Syrians sa 2-6 rekord.
Nauna nang umeskapo ang New Zealand sa Iran via ove time, 93-91.
- Latest




















