Confi funds ibinigay sa VP Sara Security – prosec

MANILA, Philippines — Sinabi ng House prosecution spokesperson na si Rep. Zia Alonto Adiong nitong Miyerkules na ang paglilipat ng confidential funds mula sa mga itinalagang Special Disbursing Officer (SDO) patungo sa ibang tao, kabilang ang mga miyembro ng security group ni Vice President Sara Duterte, ay malinaw na paglabag sa mga umiiral na patakaran.
Sa imbestigasyon ng Kamara noong 2024, lumitaw na sina Col. Raymund Dante Lachica ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) at Col. Dennis Nolasco, security officer na nakatalaga sa Department of Education, ang tumanggap at humawak ng confidential funds matapos itong ma-withdraw nang cash.
Ayon kay Adiong, kapansin-pansin na iniwasan ng depensa na talakayin ang papel nina Lachica at Nolasco, na tinukoy ng prosekusyon bilang sentro ng isyu.
“Habang mas pinag-uusapan natin sina Lachica at Nolasco, mas nagiging malinaw sa korte at sa publiko na mula pa sa simula ay nagkaroon ng sadyang paglabag sa joint circular,” ani Adiong.
Ipinaliwanag naman ni House prosecutor Rep. Keith Flores (Bukidnon, 2nd District) na ang SDO ay partikular na itinalaga upang maging responsable sa confidential funds.
Aniya, bonded ang SDO, ibig sabihin may pinansiyal na proteksiyon para sa gobyerno sakaling mawala, ma-misuse, o hindi ma-account nang maayos ang pondo.
“Kung ipapasa mo ang pera sa isang taong hindi bonded, nawawala ang mismong proteksiyon ng sistemang iyon,” dagdag ni Flores.
Giit ni Adiong, hindi dapat ituring na simpleng teknikalidad sa liquidation ang naturang paglilipat. “Ang mismong pagbibigay ng pondo kina Lachica at Nolasco ay paglabag na sa joint circular,” aniya, at ito rin ang dahilan kung bakit na-flag ng Commission on Audit (COA) ang mga kuwestiyonableng gastusin.
- Latest



















