1,793 establishment, huli ng BIR sa excise tax violations

MANILA, Philippines — Nasa 1,793 establisimyento sa buong bansa ang nahuli ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isinagawang sabayang Tax Compliance Verification Drive (TCVD) ng 22 Revenue District Offices na sumuri sa kabuuang 3,590 establisimyento.
Ayon sa BIR, ang mga nahuling establisimyento ay napatunayang nagbebenta at namamahagi ng sigarilyo, vapor products, at heated tobacco products na lumabag sa umiiral na mga batas sa buwis at excise tax.
Nakumpiska rin ng BIR ang 8,634 vape products at 22,251 pakete ng sigarilyo na may tinatayang kabuuang tax liability na umaabot sa P16.54 milyon.
Kabilang sa mga paglabag na natuklasan ang hindi pagpaparehistro sa BIR, hindi pag-iisyu ng resibo, kawalan ng registered books of accounts, hindi paglalagay ng Certificate of Registration, kawalan ng BIR tax stamps, at iba pang paglabag sa registration, invoicing, bookkeeping, at excise tax laws.
Binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na magpapatuloy ang ahensya sa mahigpit at patas na pagpapatupad ng mga batas sa buwis.
- Latest


















