^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Seryosong yugto ng impeachment

Pilipino Star Ngayon

Papasok sa mas seryosong yugto ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos padalhan ng subpoena ang kanyang dating chief of staff na si Zuleika Lopez. Pinahaharap si Lopez sa Senado sa Hulyo 13 at 14 para tumestigo kaugnay ng Article IV ng impeachment complaint, na tuma­talakay sa umano’y grave threats laban kay Pre­sident Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Maraming ingay sa paligid ng kanyang pag­harap. May patutsadang “prepare for Typhoon Inday.” May sagot ang mga lider ng Kamara. May haka-haka kung ano ang magiging laman ng kanyang testimonya. Pero sa gitna ng lahat ng ito, dapat tandaan: hindi patama, banat, o cryptic remark ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung ano ang sasabihin sa ilalim ng panunumpa.

Dito masusubok ang bigat ng Article IV. To­­toong mabigat ang mga salitang iniuugnay kay Sara noong 2024. Hindi normal, hindi dapat bina­balewala, at hindi dapat ginagawang biro ang anumang pahayag na may bahid ng pagbabanta laban sa sinumang tao, lalo na sa mga opisyal ng bansa.

Pero sa impeachment, hindi sapat ang gulat o galit. Kung nais patunayan ng prosecution na ang mga salitang iyon ay hindi lamang reckless outburst kundi impeachable offense, kailangang malinaw nilang ipakita ang koneksyon: ano ang banta, kanino ito nakatuon, ano ang intensyon, paano ito konektado sa kapang­yarihan ng public office, at bakit ito betrayal of public trust.

Sa kabilang banda, hindi rin sapat para sa defense na sabihing emosyon lang iyon, pulitika lang ito, o gawa-gawa lang ang kaso. Kapag ang isang mataas na opisyal ay nagbitaw ng mabibigat na salita, may obligasyon siyang ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat ituring na banta sa publiko o sa institusyon.

Kaya mahalaga si Zuleika Lopez bilang tes­tigo. Kung siya ang nasa gitna ng pangyayaring nagpasiklab sa kontrobersiya, makatutulong ang kanyang testimonya para linawin kung ano talaga ang nangyari. Pribadong galit ba ito? Poli­tical threat? O seryosong paglabag sa tiwala ng bayan?

Sa impeachment, hindi sapat ang galit bilang­ depensa, at hindi rin sapat ang takot bilang ebi­­densiya. Ang kailangan ay malinaw na testi­monya, matibay na dokumento, at patas na pagtitimbang ng Senado.

Dapat nang iwan ang drama sa labas ng bul­wagan. Sa loob ng impeachment court, ang dapat manaig ay ebidensiya. Dahil kung public trust ang pinag-uusapan, hindi sapat ang ingay. Kailangan ang katotohanang lalabas sa ilalim ng panunumpa.

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with