1.29 milyon pasahero, dumaan sa NAIA last Undas
Umabot sa 1,291,885 ang mga pasaherong dumaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, 2026, mas mataas ng 4.4 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa datos ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), nalampasan din ang kanilang paunang pagtataya na 1.25 milyong pasahero lamang. Pinakamaraming biyahero ang naitala noong Oktubre 30, na umabot sa 153,901.
Sa kabuuang bilang, 649,691 ang international passengers habang 642,194 naman ang domestic travelers.
Bilang paghahanda sa dagsa ng mga biyahero, nagdagdag ang NNIC ng mga tauhan, security patrols, immigration counters at passenger assistance desks.
Nagpatupad din ng 24-oras na monitoring at pinalakas ang koordinasyon sa mga airline, transport provider at mga ahensiya ng pamahalaan.
Katuwang sa operasyon ang DOTr, MIAA, OTS, PNP Aviation Security Group, Bureau of Immigration, Bureau of Customs at Bureau of Quarantine.
Ayon sa NNIC, patuloy nilang pagagandahin ang mga pasilidad at sistema ng paliparan upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasahero.
- Latest















