La Viuda (32)
SA ilang gabi na paunti-unting paglalagari ni Kristina sa kadena na nakakabit sa paa ni Andres, napagtagumpayan niyang maputol ito.
“Wala nang kadena ang paa mo. Pero huwag mong itapon ang mga iyan dahil kailangang suot mo iyan kapag binibisita ka ni Mang Teban sa iyong selda.”
Dahan-dahang naisandal ni Andres ang sarili sa pader habang iginagalaw ang kanyang sugatang bukung-bukong. Tinitigan niya si Kristina sa gitna ng dilim—ang babaing naghatid sa kanya ng pagkain, gamot, at dahilan upang manatiling buhay habang nakakadena sa ilalim ng lupa.
“Salamat, Kristina...” pabulong at nanginginig na usal ni Andres habang hinahawakan ang dalawang kamay ng dalaga. “Kahit anong mangyari sa akin sa mga susunod na araw... sapat na sa akin na nakilala kita.”
“Huwag kang magsalita nang ganyan,” mabilis na sagot ni Kristina, bagamat nanlalabo ang kanyang mga mata sa luha. “Makatatakas tayo rito.”
Hinalikan ni Andres ang likod ng palad ng dalaga. Sa harap ng kawalan ng kasiguraduhan sa kanilang bukas, walang natitirang alinlangan sa kanila. Isinantabi ni Kristina ang takot sa donya, at ang gulo ng isip dahil sa pagpapakita ni Ernesto.
Dahan-dahang inilapit ni Andres ang kanyang mukha at hinalikan ang mga labi ni Kristina. Pagkatapos ay binuhat niya ang dalaga ikalawang palapag hindi iniinda ang sugat sa kanyang kanang bukong-bukong. Nagkaroon siya nang kakaibang lakas.
Hinayaan ni Kristina na buhatin siya ni Andres na tila sila ay bagong kasal.
Sa gitna ng kadiliman ng ikalawang palapag, nagpalitan sila ng init at pagmamahal. Ibinigay nila ang sarili sa isa’t isa sa isang marubdob at maalab na pagsasama, isang tahimik na panata na anumang bagyo ang dumating sa hacienda, nagkaroon sila ng isang gabing buo at sa kanila lamang.
Bago magsimulang magbago ang kulay ng kalangitan sa labas at bago muling bumaba si Andres sa kanyang kulungan, magkayakap na nakahiga ang dalawa sa dilim, walang kaalam-alam na ang gabing iyon ang magiging simula ng isang bagong buhay na magbibigay ng gulo at kalituhan sa buong hacienda.
Itutuloy
- Latest

















