^

True Confessions

La Viuda (50)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

SA loob ng madilim na selda, kumukulo ang isang malaking palayok na may maitim na likido. Habang umuusok at kumakalat ang maasim na amoy nito, inilabas ni Mang Teban ang punit at duguang damit ni Andres na naiwan nito. Pabulong na binibigkas ng matandang manggagaway ang isang orasyon na hindi maiintindihan ninoman.

Pagkatapos ay binigkas niya nang buo ang pangalan ni Andres.

“Andres Marasol Valderrama, babalik ka rito gamit ang sarili mong mga paa!” At saka dahan-dahang inilubog ang damit sa kumukulong itim na likido. Biglang lumakas ang apoy ng kandila sa paligid, kasabay ng paglutang ng mabigat at nakasasakal na hangin sa buong silid.

Samantala, sa gilid ng madilim na kalsada, mabilis ang lakad nina Andres, Kristina, at Aling ­Pacing patungo sa pinakamalapit na tigilan ng bus. Bahagyang malamig ang hangin ng hatinggabi, ngunit sa bawat hakbang ni Andres, nararamdaman niya ang isang kakaibang kirot sa kanyang ulo, parang may matalim na karayom na dahan-dahang itinutusok sa kanyang utak. Hinilot niya ang kanyang sentido at pilit siyang ngumiti nang lumingon si Kristina sa kanya.

Ayaw niyang mag-alala ang dalawa. Alam niyang mawawala rin ang kirot nito habang nagpapahinga siya sa biyahe.

Bus na patungong Maynila ang kanilang hinihintay dahil utos ni Ernesto ay doon sila dumiretso. Pinangako ni Ernesto na susunod ito sa madaling panahon.

Nang huminto ang isang bus, agad humakbang si Aling Pacing para sumampa. Sumunod si Kristina. Ngunit bago pa man makasakay si Andres... Blag! Biglang napaluhod si Andres at marahas na nanginig ang buong katawan. Nagsi­mula siyang kombulsyunin, nakatirik ang mga mata habang lumalabas ang mahinang bula sa bibig.

“Andres! Diyos ko, Andres!” tarantang sigaw ni Kristina habang mabilis na lumuluhod sa tabi ng binata kasama si Aling Pacing. “Anong nangyayari sa ‘yo?!”

Pagkalipas ng limang segundo ng matinding panginginig, biglang tumi­gil ang lahat na tila umaarte lang ito. Dahan-dahang tumayo si Andres. Nawala ang panghihina sa kanyang mga binti. Naging matuwid ang kanyang tindig at ang kanyang mga mata ay naging ganap na malamig at walang buhay.

Itutuloy

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with