La Viuda (31)
DAHAN-DAHANG inalis ni Kristina ang kanyang mga kamay mula sa mahigpit na hawak ni Ernesto. Umiling siya, habang nanginginig ang kanyang mga labi sa gitna ng kadiliman ng mausuleo.
“Hindi ako pwedeng sumama sa ‘yo, Ernesto...” bulong ni Kristina.
Kumunot ang noo ni Ernesto, bakas ang matinding sakit at pagtataka sa kanyang mukha. “Bakit? Ito na ang pagkakataon natin, Kristina!”
“Makatakas man ako ngayong gabi, hahabulin at hahanapin pa rin ako ng iyong ina! Hindi rin tayo matatahimik. At hindi ko puwedeng iwan ang lugar na ‘to nang may mga taong madadamay at mamamatay dahil sa akin!”
Tinitigan siya ni Ernesto nang matagal, pilit na binabasa ang mga mata ng dalaga. “May iba pa bang dahilan, Kristina? May itinatago ka ba sa akin?”
Hindi kumibo si Kristina.
Napabuntong hininga na lang ang binata. “Kung ayaw mong sumama ngayon, maghahanda ako. Babalik ako rito sa ika-apatnapung gabi... at ilalabas kita sa impiyernong ito, gusto mo man o hindi.”
Mabilis na lumabas si Ernesto at muling nawala sa kadiliman ng bakuran.
Hanggang may narinig si Kristina na kaluskos sa ilalim ng sahig. Dahan-dahang lumapit dito si Kristina.
“Andres?” Bumukas ang trapdoor. Naroroon si Andres sa tapat ng hagdan, nakatingala sa kanya, nanginginig ang mga labi mula sa narinig na usapan.
“Bakit hindi ka sumama sa kanya?” paos na tanong ni Andres, puno ng pait at inggit sa sariling boses. “Kayang-kaya ka niyang iligtas at bigyan ng magandang buhay. Bakit magtitiis ka rito kasama ang isang bilanggo?”
Lumuhod si Kristina sa gilid ng trapdoor at mahigpit na pinisil ang nanginginig na kamay ni Andres.
“Dahil nangako ako sa ‘yo, Andres,” matigas na sagot ni Kristina habang nakatitig nang diretso sa mga mata ng lalaki. “Hindi ako aalis rito nang mag-isa. Magkasama tayong lalabas dito... kasama ang nanay mo.”
Itutuloy
- Latest
















