La Viuda (1)
Malamig ang kamay ng lalaking katabi ni Kristina sa harap ng altar. Mas malamig pa sa simoy ng hangin na pumapasok sa lumang kapilya ng Punta Dolores.
Walang bulaklak, walang tugtog ng piano, at walang masasayang bisita. Ang tanging naroroon ay ang matandang pari na mabilis at pabulong kung magdasal, at si Doña Presentacion, ang kanyang bibiyenanin na nakasuot ng itim at walang kurap na nakatitig sa kanila.
Sa tabi ni Kristina, nakahimlay sa kabaong ang lalaking ikakasal sa kanya. Isang matangkad at guwapong lalaki na nakasuot ng mamahaling barong.
“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo ...” utal na wika ng pari, halatang nais nang matapos ang kasal.
Isang hampaslupa si Kristina mula sa kabilang bayan na walang kaalam-alam sa madilim na kasaysayan ng pamilya Valderrama. Pumayag siya sa kabaliwang ito dahil sa isang dahilan: ang mailigtas ang kanyang pamilya sa pagkagutom kapalit nang malaking halaga.
Hinarap ni Kristina ang kanyang asawa, si Emilio Valderrama. Mukha itong prinsipeng natutulog lamang, ngunit ang balat nito ay may puti at abuhing kulay.
Nang matapos ang mabilis na seremonya, humakbang paitaas si Doña Presentacion at tumingin kay Kristina.
“Tapos na ang kasal, Kristina,” malamig nitong pahayag habang pinalilibutan sila ng amoy ng kandila. “Bilang asawa ni Emilio, may isa ka pang kailangang gampanan ngayong gabi.”
Bumibilis ang kabog ng dibdib ni Kristina habang nakatitig sa donya. “Ano po iyon?”
Lumapit si Doña Presentacion at pabulong na nagsalita sa kanyang taynga: “Kailangan mong samahan ang iyong asawa sa kanyang unang gabi... sa kanyang musuleo.” (Itutuloy)
- Latest





















