^

True Confessions

La Viuda (20)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Dahil lumaki sa Maynila si Ernesto, nagulat at kinilabutan siya sa ginagawa ng espiritistang si Mang Teban. Akmang hihilahin na nito si Kristina upang sila ay umalis na nang bigla may dumating para samahan ang espiritista sa kanyang mga ritwal.

“Sinong dumating?” bulong ni Kristina dahil halos wala siyang makita sa dilim.

Dahan-dahang bumukas ang mabigat na pinto sa kabilang bahagi ng basement. Lumitaw sa alikabok ng silid si Doña Presentacion. Ang kanyang mukha ay walang bakas ng pagdadalam­hati, kundi isang malamig at nakatatakot na obsesyon.

Napaatras si Ernesto sa pinagtataguan nilang mga patung-patong na sako ng bigas. Mabilis na hinawakan ni Kristina ang kanyang kamay at mahigpit itong pinisil upang pigilan ang binata na gumawa ng kahit anong ingay.

Lumapit ang Donya sa tabi ni Mang Teban at tinitigan ang larawan ni Emilio na napapalibutan ng dugo at mainit na langis.

Dinig na dinig nina Kristina at Ernesto ang usapan ng dalawa.

“Sigurado ka bang kakayanin ng katawan ng lalaking ‘yon na maging sisidlan ng kaluluwa ni Emilio?” tanong ng Donya. “Napapansin kong nanghihina na siya sa ilalim.”

Ngumisi si Mang Teban habang patuloy sa paghalo sa palayok. “Huwag kang mag-alala, Donya Presentacion. Habang patuloy siyang nakagapos at iniinom ang mga halamang gamot na niluluto ko, unti-unti nang humihiwalay ang kanyang kaluluwa. Sa ika-apatnapung gabi, kapag ganap nang malinis ang kanyang katawan... papasok na rito ang espiritu ni Senyorito Emilio.”

“Mabuti,” sagot ng Donya nang walang ­anumang pag-aalinlangan. “Kamusta naman ‘yung babae? Nasusunod ba sa nakatakdang panahon ang ating mga plano sa kanya?”

“Ang lahat ay nakaa­yon sa takdang panahon. Pero may pag-aalinlangan lang ako, Donya Presentasyon. Ito ay tungkol sa bunso mong anak na si Ernesto.”

“Ano na namang perwisyo ang ginawa ng lalaking iyon?”

“May bulung-bulu­ngan mula sa ilang mga kasambahay na tila nagiging malapit na sila ni Kristina.”

“Huwag kang mag-alala, ipadadala ko na uli siya sa Maynila bukas na bukas din.”

Nanlamig ang buong katawan ni Ernesto habang nakatitig sa ina. Bakas sa kanyang mga mata ang matinding pagkabigla sa itinatagong pagkatao ng ina. Nang matapos ang orasyon, pinatay ni Mang Teban ang mga kandila. Mabilis silang lumabas ng Donya. Isinara ang pinto mula sa labas.

(Itutuloy)

LA VIUDA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with