^

True Confessions

La Viuda (19)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Sa gitna ng nananahimik na gabi, kumalansing ang susi sa pintuang bakal ng musuleo. Bago tuluyang buksan ni Ernesto ang pinto, luminga-linga muna siya sa paligid upang makasigurong walang tao na makakakita sa kanyang ginagawa. Pagkabukas niya ng pinto, nakaabang na si Kristina na tila hindi ito makapaghintay.

“Tayo na, dali!” nagmamadali nitong utos kay Ernesto. “Bago pa mag-ronda ang mga tauhan ng donya.”

Nagmadali silang binagtas ang madilim na bakuran patungo sa likod ng mansyon, ngunit bago pa man sila makarating doon, biglang lumitaw ang liwanag ng dalawang sulo sa dulo ng daan. Naroroon ang grupo ng mga tauhan ng donya para magronda.

Mabilis na hinawakan ni Ernesto ang kamay ni Kristina at hinatak ito sa likod nang malaking puno. Napasiksik si Kristina sa dibdib ni Ernesto na halos hindi humihinga sa matinding kaba. Naririnig nila ang mabibigat na yabag ng mga tauhan bago lumampas ang mga ito. Nang malinis na ang paligid, tumakbo silang dalawa nang hindi binibitawan ang kamay ng isa’t isa hanggang sa marating nila ang pintuan patungong basement.

Gamit ang isa pang susi ni Ernesto, pumasok sila sa basement. Habang binabaybay nila ang gilid ng mga mabibigat na bariles patungo sa kinaroroonan ng trapdoor sa mapa, biglang hinawakan ni Ernesto ang braso ni Kristina at mabilis silang nagtago sa likod ng mga sako ng bigas. Isang malamlam na liwanag ng kandila ang nanggagaling sa dulo ng bodega.

Naroon si Mang Teban. Nakayuko ang espiritista sa tapat ng isang altar na gawa sa lumang mesa. Sa gitna niyon ay naroroon ang larawan ni Emilio, palibot ng mga maiitim na ugat ng halaman, kumukulong langis, at isang mangkok ng likidong tila kakulay ng dugo.

Umiilanlang ang usok mula sa palayok habang nanginginig ang boses ni Mang Teban sa pag-usal ng hindi maintindihang orasyon. Dahan-dahang pumatak ang dugo sa larawan ni Emilio habang binubulu­ngan ito ng matanda.

“Manatili kang gising sa ilalim ng lupa...” sabi ni Mang Teban. “Sa ika-apatnapung gabi... ­maibabalik sa’yo ang buhay na ipinahiram.”

Nanlamig ang buong katawan ni Kristina habang nakatitig sa nakatatakot na tanawin. Napatingin din siya kay Ernesto na bakas din sa mukha ng binata ang matinding pagkalito at takot.

(Itutuloy)

LA VIUDA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with