Amerikano nang-‘estafa’ at nagwala sa hotel, tiklo
MANILA, Philippines — Himas rehas ang isang Amerikano nang hindi magbayad at maghasik pa ng tensiyon sa mga bisita ng isang hotel sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Kurt”, 55, ng Texas, USA, at pansamantalang naninirahan sa Hotel Harts sa Corregidor St., Brgy. Magsaysay, Quezon City.
Sa ulat ni PCpl. Ghino Galit ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas-3:30 ng hapon nitong Miyerkules, Agosto 5, nang maganap ang insidente sa tinutuluyang hotel ng suspek nang puntahan ito ng hotel supervisor upang singilin sa bayad. Nag-check in sa Room 371 ng hotel ang dayuhan noong Hulyo 18, at tumagal hanggang Agosto 5.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagkatok sa pinto at pagpindot sa doorbell ay hindi umano binubuksan ng dayuhan. Dahil dito, ini-report na ng manager ng hotel na si alyas “Bryan” ang insidente sa mga opisyal ng Brgy. Ramon Magsaysay at pulisya kung saan agad namang rumesponde sina Pat Benjie V. Sta. Cruz at Pat Aldrian R. Malta.Pagdating sa hotel, muling kinatok ang silid ng suspek pero nagsisigaw na ito ng “F…ck you, Mother F..cker,” na nagdulot ng alarma at abala sa ibang mga panauhin ng hotel, habang paulit-ulit na hinahampas ang pinto mula sa loob.
Kakasuhan ang dayuhan ng Alarm and Scandal at Resistance and Disobedience to a Person and Authority.
- Latest

















