Ang Kapitbahay (103)
PINAYUHAN ni Vince si Renan.
“Paano kung gantihan ka ni Margie sa ginagawa mo. Di ba masakit? Kahit pa sabihin mong ikaw ang nilalapitan ng babae roon, hindi pa rin magandang tingnan. Nagkakasala ka pa rin. Bago maging huli ang lahat. Isa pa, may anak kayo—babae pa—baka dahil sa ginagawa mo ay siya ang magbayad. Payong kapatid ito, Renan. Sana mapag-isipan mo.”
Nakayuko si Renan. Napatangu-tango.
“Susundin ko ang payo mo, Vince. Tama ka —bago maging huli ang lahat. May pagkakataon pa para magbago.”
“Salamat, Renan. Alam ko, magagawa mo.”
“Salamat sa payo, Vince. Salamat din at hindi mo ako sinumbong kay Margie.”
“Pinanindigan ko kagabi na wala kang sinabi o kinuwento sa akin. Naisip ko kasi, maaring masira ang pagsasama n’yo kaya wala akong sinabi kahit ano kay Margie. Ilang beses niya akong tinanong pero hindi niya ako napiga.”
“Maraming salamat, Vince. Tunay kang kaibigan.”
“Gusto kong manatiling buo ang pamilya n’yo, Renan.”
Kinamayan nang mahigpit ni Renan si Vince.
“O kain na tayo. Malamig na ang kape natin,’’ sabi ni Renan.
Ipinagpatuloy nila ang pagkakape at pagkukuwentuhan.
Sa pintuan, napansin ni Vince na pasulyap-sulyap sa kanila si Margie.
ILANG araw ang nakalipas, kumatok sa pinto ng bahay ni Vince si Renan.
“Pareng Vince, aalis na ako patungong Saudi bukas ng umaga. Ikaw na ang bahalang tumingin kina Margie. Babalik ako after one year. Mag-iinuman uli tayo pero hindi na ako magpapakalasing.”
“Sige Pareng Renan. Mag-ingat ka. ‘Yung pinangako mo sa akin ha? Tuparin mo.”
“Oo, Pareng Vince. Tutuparin ko.”
“Siguro mas masarap ang kuwentuhan natin after one year ano?”
“Oo nga, Pareng Vince.”
Kinamayan nang mahigpit ni Renan si Vince.
(Itutuloy)
- Latest
















