Ang kapit bahay (44)
NAGULAT si Vince nang makita isang umaga, na hinahakot na ni John ang mga gamit sa inuupahang bahay.
Nakita niya ang lipat-bahay truck sa harapan ng bahay.
Binubuhat ng mga helper ng truck ang sopa. Pagkatapos ay ang ref, oven, washing machine at dining table.
Ipinasya ni Vince na puntahan si John para kumustahin. Hindi siya magpapahalata rito na alam na niya ang lahat ng mga nangyari.
Nakangiti si John nang lumapit siya.
“Pareng Vince, kumusta?” sabi ni John at mahigpit siyang kinamayan.
“Ako nga ang dapat mangumusta, Pareng John. Bakit inaalis mo na ang mga gamit? Lilipat ka na?”
“Oo, Pare?”
“Saan?”
“Sa dati kong bahay.”
“Dating bahay?” tanong ni Vince na hindi halata ang arte.
“Oo—sa bahay namin ng misis kong si Teresa.”
“Bahay ninyo ni Teresa? Misis mo?”
“Oo—’yung orig. Si Marie ay kabit ko lang.”
“Teka, Pareng John, ibig mo bang sabihin e nagkabalikan na kayo ni misis mo?”
“Oo, Pareng Vince—balik na uli ako sa piling ni Teresa at anak namin?”
“Nagbibiro ka ba Pare?”
“Hindi! Totoo ito, Pare.”
“Parang ayaw kong maniwala. E paano si Marie?”
“Wala na—tapos na sa amin ang lahat. Kaya nga hinahakot ko ang mga gamit dito sa bahay.”
“Pinahanga mo ako Pare. Tinapos mo na ang relasyon kay Marie.”
“Bagong buhay na ako, Pare. Kailangang bayaran ko ang mga pagkukulang ko kay Teresa at anak namin. Hindi ka maniniwala, Pare, umiyak ako sa harap ni Teresa. Humingi ako ng tawad. Sabi ko, bigyan pa niya ako ng isa pang pagkakataon para maituwid ko ang lahat.”
Itutuloy
- Latest


















