Hiyasmin (91)
Sabado. Pinuntahan nina Dax at Hiyasmin sina Tatay at Nanay sa Fairview para sunduin. Nag-taxi sila. Natrapik sila sa Commonwealth Avenue.
“Matagal na ba kayong nakatira sa Fairview, Sir Dax?’’
“1988 pa.’’
“Ang tagal na pala!’’
“Dati hindi pa ganito kalapad ang Commonwealth pero ngayon ilang lane na. At magkakaroon na ng MRT.’’
“Marami pa sigurong puno rito noon ano, Sir Dax?’’
“Oo.”
Maya-maya, sinabihan ni Dax ang taxi drive na kumanan. Pumasok sila sa isang subdibisyon na may guwardiya. Magaganda ang bahay.
“Malapit na tayo.’’
Sinabi ni Dax sa drayber na itigil sa tapat ng green na bakod. Binayaran niya ang taxi fare. Bumaba sila. Agad umalis ang taxi.
Kinatok ni Dax ang gate. Lumabas ang nanay niya. Tuwang-tuwa nang makita si Hiyasmin. Binuksan ang pantay taong bakal na gate.
“Sabi ko na nga ba at sasama ka,’’ sabi nito sabay yakap kay Hiyasmin.
“Nahulaan mo Nanay na kasama ko si Hiyasmin?” tanong ni Dax.
“Oo. Kutob ko. Halika sa loob Hiyasmin.”
Pumasok sila. Hinawakan pa ng nanay ni Dax sa kamay si Hiyasmin habang papasok sa bahay. Damang-dama ni Hiyasmin na masayang-masaya ang matanda.
(Itutuloy)
- Latest