Kaibigan (18)
‘‘Madalas na umiiyak si Lara sa gabi dahil sa problema sa kanyang mga magulang. Wala naman akong magawang paraan para patawarin na kami. Hindi ko alam ang gagawin ko, Dex. Kaya mapapansin mo, laging tahimik si Lara. Hindi nagsasalita. Trabaho lang nang trabaho. Epekto nang hindi pagtanggap sa amin ng kanyang daddy at mommy,’’ sabi ni King sa naghihimutok na boses.
‘‘Napapansin ko nga na walang imik si Lara.’’
‘‘Hindi naman siya ganyan dati. Masayahin ‘yan at makuwento. Pero nang itakwil kami ng parents niya, naging ganyan na siya. Hindi ko na talaga alam ang gagawin.’’
“Wala ka bang puwedeng lapitan sa inyo na kilalang tao na mamamagitan—halimbawa ay mayor o konsehal kaya na kukumbinsi na patawarin kayo.’’
“Naisip ko na rin ‘yan nun Dex pero palagay ko, hindi uubra dahil masyadong mapagmataas itong parents ni Lara. Maykaya rin kasi sila.’’
“Ganun ba?’’
‘‘May negosyo sila sa aming bayan. Parang kami noon — bumagsak nga lang ang sa amin dahil sa kagagawan ni Papa.’’
“Maykaya rin pala sina Lara.’’
‘‘Oo. Tapos nga nag-iisa siyang anak na babae.’’
‘‘Baka ‘yun ang matinding dahilan kaya nagalit nang husto sa inyo—unica hija siya.’’
‘‘Dapat ba namang pahirapan nila kami sa ganung dahilan?’’ sabi ni King at napabuntunghininga ito.
Naaawa si Dex sa kaibigan. Kung may magagawa lang siyang paraan.
Mula noon, madalas makita ni Dex na lalong naging malungkot si Lara. Hindi nagsasalita. (Itutuloy)
- Latest