Huling Eba sa Paraiso (3)
‘‘Baka mayroon nang ibang nananalbos ng pako sa pampang ng sapa Kuya. Ang madalas kong makita roon ay matandang babae. Hinahayaan ko na dahil pako lang naman,’’ sabi ni Tikoy.
‘‘Babaing nasa 20-year old ang inabutan ko kanina. Nang tumingin ako ay biglang nagtatakbo. Akala siguro ay pagagalitan ko.’’
“Mga taga-kabilang barangay ‘yun Kuya. Kasi pagtawid sa sapa, ibang barangay na.’’
‘‘Anong ginagawa sa pako, Tikoy?’’
‘‘Hindi ako sigurado Kuya pero ‘yung iba pangsahog lang sa ginataang kuhol. Baka ‘yung iba ay binibenta sa bayan. Kasi marami nang restawran sa bayan ang nag-o-offer ng pako salad. Mahal ang salad Kuya. Akalain mo ang isang platito ay P30.’’
“Mura pa nga ang P30, Tikoy. Sa isang restaurant sa Makati ang isang order ng paco salad ay P200.’’
‘‘Hanep ang mahal Kuya!’’
‘‘Ganun kamahal, Tikoy. Nilagyan lang sa ibabaw ng hiniwang kamatis at pula ng itlog, bentang-benta na!’’
“Buti pa yata manalbos na lang ako ng pako, ha-ha-ha!’’
‘‘Puwede! ‘Yun ngang pinatuyong dahon ng kangkong pinagkakakitaan e di lalo pa ang pako.’’
‘‘Kaso hindi ako isip negosyante Kuya. Mahina ang power ko sa pagbebenta.’’
“Sabagay kanya-kanyang linya ‘yan.’’
“Maiba ako ng usapan, Kuya. Desidido ka na bang tumira rito?’’
“Oo. Bagsak na ang negosyo ko sa Maynila dahil sa pandemya. Isinara ko na. Balak ko dito na lang. Baka dito ako suwertihin.’’
“Sige. Sabihin mo sa akin kung paano kita matutulungan.’’
“Magpapatayo ako ng farm house, Tikoy. Magpapa-design ako sa kaibigang arkitekto. Gusto ko kasi may plano ang bahay. Gusto ko matibay. Laging dumadaan dito ang bagyo di ba?’’
“Tama ka Kuya. ‘Yang kubo ko ilang beses nang tinumba ‘yan. Itinatayo ko lang.’’
“Kaya gusto ko talaga matibay. Pagbalik ko, baka maumpisahan ko na ang pagpapagawa ng farm house.’’
(Itutuloy)
- Latest