Ang Babae sa Silong (77)
“Paborito ng mga estudyante ang luto ko. Ang inihanda kong adobong manok sa gata ang agad nauubos,” sabi ni Mama Ina na bigay na bigay sa pagkukuwento habang kumakain naman sina Dado at Gab. “Naikuwento ba sa iyo ni Gab na dati akong namamahala ng canteen sa UST noong araw, Dado?’’
“Opo Tita.’’
“Mayroon din akong puwesto sa Padre Noval. Mas maraming kumakain doon. Hindi lang mga estudyante. Pero sayang, nawala na ang canteen dun. Ang lakas pa naman ng kita.’’
Napatangu-tango si Dado. Hindi naikuwento ni Gab sa kanya na may puwesto pala ang kanyang mama sa P. Noval. Siguro’y sa rami ng iniisip kaya hindi na naikuwento sa kanya.
“Mabuti naman Dado at nakapunta ka rito sa amin, kahit malayo.’’
“Malapit lang naman Tita – dalawang oras lang ang biyahe. Enjoy nga po ako.’’
“Yung iba e nalalayuan sa pagpunta rito. Siyanga pala, kanina ay nabanggit mo na nakatikim ka ng espasol na pasalubong ni Gab, magpapabili ako mamaya. ‘Yung bagong lutong espasol ay masarap – ‘yung mainit-init pa.’’
“Gustung-gusto ko nga po ang espasol, Tita.’’
“Magpapabili ako.’’
“Kaya nga po ako sumama kay Gab ay para makabili ng espasol pero ayaw pa niya akong isama. Naawa lang sa akin, ha-ha-ha!’’
Inirapan ni Gab si Dado.
Masaya silang nag-uusap nang may dumating na babae. Auntie ni Gab. Kamukha ni Mama Ina.
“Siya ang kapatid ko na nag-aalaga sa akin – si Mona,’’ sabi ni Mama Ina.
Ipinakilala rito si Dado.
“Kumusta po Tita Mona?’’ bati ni Dado.
“Mabuti naman,’’ sagot nito.
“Halika pong kumain,’’ anyaya ni Dado.
“Salamat.’’
Nang matapos kumain, sa bakuran sa lilim ng punong mangga nagkuwentuhan sina Gab at Dado.
“Ang sarap ng buhay dito sa probinsiya. Masarap at sariwa ang hangin,’’ sabi ni Dado.
“Oo. Pero mas masarap din sana kung sama-sama ang pamilya – hindi watak-watak,’’ sagot ni Gab.
Napatingin si Dado kay Gab.
Makalipas ang tatlong araw, bumalik na ng Maynila sina Dado at Gab.
Habang nasa bus, masaya si Dado.
“Sasama uli ako rito, Gab. Isama mo uli ako ha?’’
“Oo. Salamat nga pala sa pagsama mo sa akin.’’
(Itutuloy)
- Latest