Salome (60)
ARAW-ARAW sinusubaybayan ni Amy si Salome. Iyon na halos ang ginagawa niya. Iyon ang utos sa kanya ni Mam Pilar. Gusto nang mapalayas ni Mam Pilar si Salome.
Isang araw, nakita ni Amy na nilapitan ni Sir Hector si Salome habang naggagamas ng damo sa paligid ng mga puno.
Humanap ng puwesto si Amy para marinig ang pinag-uusapan ng dalawa. Ingat na ingat si Amy at baka makita siya ni Sir Hector ay siya naman ang malagay sa alanganin.
Narinig niya ang pinag-uusapan ng dalawa. Seryoso si Sir Hector sa pagsasalita.
“Huwag kang matakot kay Pilar, Salome. Ako ang bahala sa kanya.’’
“Salamat po Sir Hector.’’
“Hindi mo naman pinababayaan ang trabaho mo rito sa bahay. Sabi maaga kang gumigising at naglalaba at naglilinis dito sa bakuran.’’
“Opo Si Hector. Alas tres po ng madaling araw ako gumigising at naglalaba. Buong umaga po ay sa halamanan ako nagtatrabaho.’’
“Sobra-sobra pa nga ang pagtatrabaho mo. Tama lang yun na sa hapon ay nag-aaral ka. Nakikita kong magtatagumpay ka Salome.’’
“Salamat po Sir Hector. Iyan nga po ang pangarap ko, ang makatapos at nang matulungan ko si Inay sa probinsiya.’’
“Si Mac, kumusta na? Nagkakausap ba kayo? Hindi kasi ako kinakausap nun dahil kay Pilar. Alam mo na, ayaw na ayaw ni Mac kay Pilar.’’
“Dalawang beses lang po kaming nagkausap, Sir Hector. Una ay nang magtungo rito at ikalawa ay nang puntahan ako sa school. May binalita lang po siya ukol kay Inay. Sa Mindoro po kasi siya uli naglakad at dumaan siya sa Pinamalayan.’’
“Mabuti ka pa at kinakausap ni Mac. Sabagay, hindi ko siya masisisi.’’
“Binigyan nga po ako ng cell phone ni Mac. Eto po o.’’
Napatangu-tango si Sir Hector.
“Siyanga pala, ibibigay ko na ang pang-tuition mo para sa second sem. Aalis uli kasi ako. Business trip. Baka matagalan ako bago makabalik.’’
Inabutan ni Sir Hector ng pera si Salome.
Kitang-kita ni Amy ang pagbibigay ng pera.
Napangiti si Amy. Dinukot niya ang cell phone sa bulsa at kinunan ang aktong pagbibigay ni Sir Hector ng pera kay Salome.
(Itutuloy)
- Latest