Black Widow (127)
TUMIGIL lamang si Jam sa pagsunod kina Marie at Jose nang pumasok ang mga ito sa isang Japanese restaurant. Makikita na siya ng dalawa kung papasok din sa restaurant. Kung aabangan naman niya ang paglabas na mga ito, baka abutin siya ng hatinggabi. Hindi niya alam kung gaano mananatili sa restaurant ang dalawa.
Masama ang loob na umalis si Jam. Pero marami pang araw para masundan niya ang dalawa. Hindi siya titigil sa pagsunod sa mga ito. Gusto niyang malaman kung saan nagtutungo ang mga ito.
Pagdating ng bahay, nagpalit lang siya ng damit at nahiga. Si Marie at Jose pa rin ang iniisip niya. Parang hindi niya matanggap na si Marie ang kasama ni Jose. Saan pa kaya pupunta ang dalawa, pagkatapos kumain? Manonood ng sine? Hindi kaya magmo-motel?
Hindi mapakali si Jam. Tumatagilid at tumitihaya. Hindi niya matanggap na si Marie ang nagustuhan ni Jose. Maraming beses na siyang nagpakita ng motibo kay Jose pero ayaw “kumagat”. Halos ipagduldulan na niya ang sarili pero ayaw siyang “tukain” ni Jose. Laging umiiwas at may dahilan. Gumagawa ito ng paraan para hindi matuloy ang kanyang balak.
Tumihaya si Jam at ipinangako sa sarili na aagawin si Jose. Hindi siya papayag na maging mag-asawa sina Marie at Jose. Para sa kanya si Jose!
Bumangon si Jam at tinungo ang kusina. Kinuha sa hanging cabinet ang imported na alak na binili niya sa Rustan’s. Masarap daw ang alak na iyon ayon sa babaing nag-assist. Kahit mahal, binili niya ang alak. Ngayon niya mapapatunayan kung masarap nga iyon.
Naglagay siya ng yelo sa kopita. Binuksan niya ang alak. Sinamyo niya bago nagbuhos sa kopita. Hmmm, mabango! Nagsalin siya sa kopita. Pagkatapos ay sumimsim. Hmmm. Masarap nga!
Tinungga na niya. Masarap ang hagod. Walang sabit.
Hanggang sunud-sunurin niya ang pag-inom ng alak.
At mabilis niyang naramdaman ang epekto. Suwabe. Parang dinuduyan siya. Ngayon lamang siya nakaranas ng ganito kasarap na alak.
Muling naglaro sa kanyang imahinasyon ang mga gagawin para maagaw si Jose kay Marie.
Kailangang gawin na niya ang plano. Dapat masiguro na magtatagumpay siya sa pag-agaw kay Jose.
Mas maganda kung sa opisina niya uumpishan si Jose. Aabangan niya lagi ang pag-uwi nito. Hindi siya titigil hangga’t hindi nagkakaroon ng katuparan ang lahat.
(Itutuloy)
- Latest