Sinsilyo (255)
ININSPEKSIYON ni Gaude ang mga picture sa magkataklob na palawit ng kuwintas. Hanggang mapansin niya na may mga nakaukit sa dakong ibaba ng dalawang pictures. Maliit ang titik pero nabasa ni Gaude ang mga iyon. Sa tapat ng picture ng lalaki, nakasulat ang DON VENANCIO DE POLAVIEJA at sa tapat ng pangalan ng babae naman ay DONA ESTRELLA RUIZ DE POLAVIEJA.
‘‘Solb na ang problema natin kay Kastilaloy, Lolo Kandoy. Alam na natin ang apelyido niya – POLAVIEJA.’’
“Purong Kastila yan ano, Gaude?’’
“Oo Lolo. Purong Kastila ang pinagmulan niya. Nasa history po ang apelyidong Polavieja - sa panahon po ni Dr. Jose Rizal.’’
“Bakit?’’
“Ang governor-general po ng panahong barilin si Rizal ay si Gov. Camilo de Polavieja. Ayon po sa libro, ang governor-heneral na ito ay masyadong malakas ang kapit sa mga prayle o paring Kastila. Mabilis po siyang nakaupong governor dahil sa impluwensiya ng mga prayle noon. Nang litisin po si Rizal dahil sa bintang na subersiyon, napakabilis po ng paglilitis, wala pang isang buwan mula nang bumalik siya mula Espanya at pinatawan siya ng parusang kamatayan. Si Governor Polavieja po ang nag-utos na madaliin ang trial kaya noong Disyembre 30, 1896, binaril agad siya. Dahil sa ginawa ni Polavieja, maski mga kababayan niya sa Espanya ay namuhi sa kanya. Galit na galit ang mga Espanyol dahil sa ginawa ni Polavieja kay Rizal. Halos isumpa si Polavieja nang magbalik sa Espanya matapos ang termino niya sa Pilipinas. Makalipas lang ang ilang buwan, namatay din siya dahil sa hepa.’’
‘‘Ba’t ang dami mong alam kay Polavieja, Gaude?’’
“History major po ako Lolo kaya alam ko.’’
“Ah, ganun ba? E di talaga palang malupit ang mga Polavieja, Gaude. Tingnan mo si Kastilaloy, masama ang ugali.’’
“Hindi naman po siguro lahat, Lolo. Si Kastilaloy po, palagay ko, may mga kakaibang kuwento sa kanyang buhay. Dapat matunton natin ang kanyang anak. Di ba naikuwento ni Tito Mau na mayroon daw isang anak si Kastilaloy.’’
“Naku, mahirap nang matunton yun. Baka nasa ibang bansa na ‘yun.’’
“Baka nga ano, Lolo. Pero malay natin, baka isang araw ay may duma-ting dito at sabihing siya ang anak ni DIONISIO POLAVIEJA alyas Kastilaloy.’’
Napangiti si Lolo Kandoy.
“Siguro maganda ang asawa ni Kastilaloy ano? Baka mukhang Espanyola rin. Kaya lang bakit kaya nagpalabuy-laboy si Kastilaloy.’’
“Malalaman din natin ‘yan, Lolo.’’
(Tatapusin na bukas)
- Latest