Sinsilyo (193)
ISANG linggo na ang nakalilipas ay hindi pa rin umaalis si Mau. Balisa na si Kastilaloy sapagkat hindi niya makausap nang masinsinan si Lyka. Kapag hindi niya ito nakausap ukol sa apat na sako ng barya, baka malintikan siya kay Mau. Baka maisipan ni Mau na tingnan kung ano ang laman ng mga sako at matuklasang mga bato pala iyon. Mawawalan ng tiwala sa kanya si Mau at baka palayasin din siya tulad ng ginawa kay Gaude. Hindi naman siguro siya bubugbugin ni Mau dahil gurang na siya pero ang tiyak, tatalsik din siya. Ayaw niyang mangyari iyon sa kanya.
Kung makakausap niya si Lyka, masosolb ang problema niya. Pero “arte” lang ang gagawin niyang pakiusap sa babae. Kunwari lang para muling magtiwala sa kanya si Lyka. Magbabait-baitan siya rito. Kung tuso si Lyka, mas tuso siya. Hindi siya patatalo kay Lyka.
Pero talagang hindi na yata aalis si Mau para magtrabaho. Laging magkatabi ang dalawa. Ayaw nang humiwalay si Lyka kay Mau. Hindi na niya ito matiyempuhan na nag-iisa. Talagang umiiwas.
Kaya ipinasya niya na alisin na sa kuwarto ang apat na “sako ng barya” na nasa punda. Kailangang maitapon niya ang mga laman nitong bato bago pa madiskubre ni Mau ang ginagawa niyang kataranduhan. Kung wala na ang mga sako ng kunwari’y mga barya, wala nang ebidensiya. Bahala na ang mga susunod. O kaya, sabihin niya, ninakaw ng isa sa mga matanda. Tama! Sasabihin niya kay Mau na ninakaw ng tarantadong si Kandoy. Tutal naman at talagang kinakalaban siya ng Kandoy na iyon, ito ang paraan para makaganti sa estupidong iyon. Palalayasin siya ni Mau dito. “Lalo ko nang mamamaniobra ang mga barya!”
Nag-isip nang paraan si Kastilaloy kung paano titibay ang paniwala na si Kandoy ang nagnakaw ng apat na sako ng barya. Kailangan, mabigat ang ebidensiya.
Aha, ilalagay niya ang mga basyong sako sa kuwarto nito! Lihim siyang papasok sa kuwarto ni Kandoy at ilalagay niya ang mga basyo sa ilalim ng kama nito. Presto! Huling-huli ang estupido!
Kinagabihan, sinimulan na ni Kastilaloy ang operasyon na pagtatapon sa mga mga pekeng sako ng barya na nasa kanyang kuwarto.
Isa-isa niyang inilabas ang mga sako. Mabigat ang mga sako na ang laman ay bato pero pinagtiyagaan niyang dalhin sa labas. Iyon ang unang hakbang para malutas ang problema. Kailangan, hindi na abutan ni Mau ang mga sako na iyon sa kanyang kuwarto. Kapag natupad ang plano, tuloy ang operasyon niya sa malanding si Lyka. Hindi siya titigil hangga’t hindi nakukuha si Lyka.
(Itutuloy)
- Latest