Sinsilyo (136)
HINDI pa rin dumating si Mau nang mga sumunod na araw. Nagtataka na si Gaude. Totoo kayang may trabaho na si Tito Mau gaya ng sinabi ni Tita Lyka. Kung may trabaho si Tito Mau, ibig sabihin, lagi na siyang wala rito sa bahay. Wala na siyang pagkakataong masabi rito ang mga ginagawa ni Tita Lyka. Pero masabi naman kaya niya lalo’t binantaaan siya ni Lyka na huwag magsusumbong dahil masama ang mangyayari. Mukhang hindi nagbibiro si Tita Lyka.
Gulung-gulo ang isipan ni Gaude. Hindi malaman ang gagawin.
Pinuntahan niya si Lolo Kandoy para humingi ng payo. Sinabi rin niya ang tungkol sa P100,000 na baryang binilang niya.
“Masama na ang nangyayari, Gaude,” sabi ni Lolo Kandoy. “Natatandaan mo ang sinabi ko sa’yo noon na itong si Lyka ang magdadala ng kaguluhan sa bahay na ito.’’
“Opo Lolo Kandoy, natatandaan ko po.’’
“Nangyayari na ano?”
“Opo. Nagugulo na po ang bahay natin.’’
“Kaya nga ituloy mo ang balak na pagsusumbong kay Mau ng mga ginagawa ni Lyka. Kapag hindi mo ginawa, ikaw ang madidiin sa lahat nang nangyayari. Ikaw ang magdurusa at hindi si Lyka. Kaya payo ko, sabihin mo kay Mau ang lahat.’’
“Pero hindi pa po siya dumarating Lolo.’’
“Kapag duma-ting, wala nang urung-sulong pa sa pagsusumbong. Idiin mo na si Lyka.’’
“Sige po Lolo, gagawin ko po.’’
“Basta panatilihin mo lamang ang katapatan at huwag kang patatangay sa anyaya ni Lyka. Kapag natukso ka niya, hindi ka na makakatakas sa kanya. Huwag mong titikman ang pinya ni Lyka!’’
Napatangu-tango si Gaude. Mahusay talagang magpayo si Lolo Kandoy.
KINABUKASAN ng umaga, tinawag ni Lyka si Gaude na noon ay naghuhugas ng kaldero.
“Halika Gaude!”
“Ano po ‘yun?”
“Ilagay mo sa plastic na black bags ang mga barya na binilang mo at idedeposito ko. Dalhin mo rito sa salas.’’
Hindi makatanggi si Gaude. Sinunod ang sinabi ni Lyka.
Nang mailagay sa black bag ang mga barya ay dinala sa salas. Naghihintay na si Lyka sa salas.
“Sige dalhin mo sa labas at naghihintay na ang taxi.’’
Binuhat ni Gaude ang mga barya. Ilang balik siya sa loob ng kuwarto bago nabuhat lahat ang mga barya. Ikinarga niya sa taxi. Sumakay na rin si Lyka sa taxi matapos ikarga ang mga barya. Napakaraming barya na halos mapuno ang taxi. (Itutuloy)
- Latest