Sinsilyo (106)
BINUKSAN ni Gaude ang tangke ng inidoro. Nahirapan siyang alisin ang cover ng tangke. Mabigat ang cover at nakadikit masyado sa pader. Pero pinilit niyang maalis.
Bumulaga sa kanya ang kinakalawang na loob ng tangke. Sa itsura ay ngayon lang nabuksan dahil nababalutan ng kalawang ang mga tubo sa loob at pati ang goma. May nakita rin siyang mga kiti-kiti. Pero wala siyang nakitang daga! Imposibleng makapasok ang daga sapagkat halos kalahati ng tangke ay may lamang tubig. Isa pa, walang dadaanan ang daga sapagkat walang butas ang tangke.
Ibinalik niya ang kober ng tangke. Sasabihin niya kay Tito Mau na walang daga.
Lalabas na si Gaude sa banyo nang maalala ang butas sa pader na ginawa ni Lolo Kastilaloy. Hinanap niya iyon. Asul na tiles ang dingding. Wala siyang makita sa hanay ng tiles. Sinuri niyang mabuti. Inisa-isa ang mga tiles. Tinantiya ang taas ng butas. Kapag nakaupo ay halos kapantay ng mata.
Hanggang sa makita niya ang butas. Kasing laki ito ng butil ng mais. Mas malaki ang butas sa kabila na halos singlaki ng holen. Hindi iyon mapapansin dahil asul ang tiles.
Ipinasya niyang lumabas na. Eksakto sa paglabas niya sa banyo ay lumabas din si Tito Mau sa kuwarto nito.
“Ano Gaude, nakita mo ang daga?” tanong ni Mau.
“Hindi po. Binuksan ko na po ang tangke pero wala.’’
“Problema ‘yan. Takot na takot si Lyka. Baka hindi na yun gumamit ng banyo.’’
“Pero wala po talaga, Tito Mau.’’
“Kailangan mapatay mo ang daga.”
(Itutuloy)
- Latest