Sinsilyo (62)
PATULOY sa pagsasalita si Lolo Kandoy at nababagbag naman ang kalooban ni Gaude.
“Mas mabuti na kung tutuusin ang lagay ko rito kasi kahit paano kinupkop ako ni Mau. Kahit na mainit siya sa akin ay tanggap ko na rin dahil kung hindi sa kanya baka kung saan-saan ako natutulog at taong grasa na ako. Mas mabuti pa rin si Mau kaysa mga kadugo ko na pinabayaan na ako…’’
Tumigil si Lolo Kandoy at nakita ni Gaude na may manipis na luha na nasa gilid ng mga mata.
Binawi ni Gaude ang tingin sa matanda. Hinayaan muna niya ito na makapagmuni.
Makaraan ang ilang minuto ay nagsalita muli ang matanda. Okey na ang boses.
“Basta pakiusap ko sa’yo, huwag mo nang maikuwento ito kay Mau. Kasi’y ayaw ko na ring madagdagan pa ang mga bagay na ikinaiinis niya. Wala naman akong reklamo.’’
“Opo, Lolo.’’
“Basta yung lagi kong ginagawa sa’yo na pagbibigay ng baon, tuloy iyon.’’
“Salamat, Lolo,’’ sabi niya at pinisil ang braso ng matanda. “Pero paano kung malaman ni Lolo Dune Kastilaloy na binabawasan mo ang iniintregang barya?’’
“Hindi naman malalaman ‘yun.’’
“Minsan po, nakita kita sa kuwarto mo nagbibilang ng barya.’’
“Ah, oo. Dati kasi binibigay ko lahat, wala nang bilang-bilang pero naisip ko kailangang may maitabi ako. Yung mga butal, hindi ko na binibigay. Halimbawa may butal na P50, sa akin na yun.’’
“Saan po galing ang binibigay mo sa akin?”
“Dun sa butal.’’
Marami pang nalaman si Gaude sa matanda. Ngayon ay maliwanag na sa kanya ang lahat. Lahat nang barya sa kuwarto ni Tito Mau ay mula sa mga pinagpalimusan ng mga matatanda. At malaki ang utang na loob niya sa mga matatanda sapagkat doon din galing ang pinang-tuition niya.
ISANG umaga na naghuhugas ng pinggan si Gaude ay nilapitan siya ni Tito Mau.
“Mamayang gabi, magbilang ka ng mga barya. Marami na namang nakatambak sa ilalim ng kama.’’
“Opo.”
“Basta isara mo lagi ang pinto para walang makakita.’’
(Itutuloy)
- Latest