^

True Confessions

Halimuyak ni Aya (132)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

“INUUMBAG ka na ay niloloko ka pa ng asawa mo, Mama. Naaawa ako sa’yo Mama. Puwede bang iwan mo na siya? Puwede bang umalis na tayo rito at maghanap ng ibang matitirahan? Kalimutan mo na siya, Mama!”

Sunud-sunod na sabi ni Aya sa ina. Nakatingin lamang si Sam at nagulat sa walang patlang na pagsasalita ni Aya. Hindi niya inaasahang makapagsasalita ng ganoon si Aya. Tila ibinuhos na ang lahat ng kinikimkim na galit kay Tito Janno.

“Pakinggan mo naman ako Mama. Nakikiusap ako. Mahal kita Mama at labis akong nag-aaalala sa kalagayan mo. Kung hindi pa natin iiwanan ang manloloko mong asawa baka kung mapaano ka pa,” sabi pa ni Aya na umiiyak na. Tumulo ang luha at umagos sa pisngi.

Ang pag-iyak na iyon ang naging daan para magsalita na si Mama Brenda. Kailangang sagutin na ang mga tanong ng anak.

“Aya, alam kong mahal mo ako. Alam ko kung gaano ka nag-aalala sa akin. Mahal din kita anak. Walang makapapantay sa pagmamahal ko sa’yo…alam mo naman siguro yan, Aya…” sabi at tuluyan na rin itong umiyak. Umagos ang luha sa pisngi. Si Sam ay nananatiling nakatingin sa mag-ina. Naghihintay siya sa kasagutan ni Mama Brenda sa kahi-lingan ni Aya na iwanan na si Tito Janno.

Nang magsalita si Mama Brenda ay may nginig ang boses. Nakikiusap kay Aya.

“Anak, kaya kong tiisin ang panloloko ni Tito Janno. Matitiis ko na ang mga ginagawa niya pero hindi ko siya magagawang iwan…”

“Bakit Mama?”

“Hindi tayo mabubuhay kapag wala siya. Siya lang ang inaasahan natin. Kapag umalis tayo rito, baka sa kalsada tayo pulutin. Baka maging masahol pa tayo sa pulubi.’’

“Mama, maaari ka namang magtrabaho! Nag-aral ka!”

“Hindi ganoon kadali, Aya. Hindi ko kakayanin.’’

“Humingi tayo ng tulong sa mga kapatid mo!”’

“Ayaw ko! Di ba sinabi ko na sa’yo noon na hindi ako lalapit sa kanila. Itinakwil na nila ako. Ilang beses na akong lumapit sa kanila pero masama ang tingin nila sa akin. Ayaw nila akong patawarin.’’

“Kasi’y matigas ka rin Mama. Bakit ayaw mong magpakumbaba sa ka­nila?”

“Ayaw ko na Aya. Hin­di na ako maaaring lumapit sa kanila.’’

“Bakit napakataas ng pride mo?’’

Hindi sumagot si Mama Brenda. Nanatiling nakatungo. Hinayaang magsalita si Aya.

“Kaya mong tiisin ang pananakit at panloloko ni Tito Janno pero hindi ang mga sasabihin ng kapatid mo. Hindi kita maunawaan, Mama.”

“Mauunawaan mo rin ako Aya pagdating ng panahon.’’

“Mahirap kang maunawaan Mama.’’

“Nakikiusap ako Aya, huwag tayong umalis   dito. Nakikiusap ako.”

Hindi sumagot si Aya. Tumulo pa ang luha. Tahimik na umiyak.

Saka umalis. Naiwan si Sam at Mama Brenda.

“Sam, nauunawaan mo ba ako?”

Hindi malaman ni Sam kung ano ang isasagot.

(Itutuloy)

 

AKO

AYA

AYAW

BAKIT

MAMA

MAMA BRENDA

NAKIKIUSAP

TITO JANNO

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with