Alakdan (259)
“NATUWA ako sa sinabi ni Dolfo na hihiwalayan ang kanyang asawa. Kahit na sa palagay ko ay mahirap mangyari iyon, pinaniwala ko ang aking sarili na puwede nga iyon. Ngayong may anak na kami, gusto ko magsama na nga kami. Kailangan ko siya para mapalaki ang aming anak.
“Pero malayo nga sa katotohanan na mangyari ang kanyang sinabi na hihiwalayan ang asawa para sa akin. Ako pala ang kanyang kakawawain at bibigyan ng sama ng loob. Nagmistula akong loka-loka dahil sa ginawa niyang pagnanakaw sa aking anak. Ang paalam niya ay paaarawan lamang si Kreamy sa bakuran ng aming bahay pero iyon pala ay may masama na siyang tangka. Sino ba naman ang mag-aakala na tatangayin niya ang aming anak? Wala sa isip ko iyon…
“Gaya nga nang ikinuwento ko sa’yo hinanap namin kung saan-saan ang aking anak. Hindi ko naman alam ang address ni Dolfo. Hindi niya sinabi kung saan siya nakatira. Napakatanga ko talaga noon na hindi ko man lang siya naurira kung saan nakatira sa Maynila.
“Kung saan-saan kami nakarating ng pinsan ko sa paghahanap kay Kreamy. Ayaw naman naming ireport sa mga pulis dahil baka malathala sa diyaryo ay mabasa sa amin sa San Pablo. Weird na talaga ako noon. Gusto ko na ngang magsisigaw para mailabas ang aking galit sa pagkawala ng anak ko.
“Lumipas ang maraming buwan at walang nangyari sa aming paghahanap. Hanggang maisipan ko ngang mag-Saudi ulit pero ang purpose ko ay para hanapin si Dolfo. Pero hindi ko rin siya nakita roon.
“Hanggang sa magsawa na ako at muling nagpaalam sa aking mababait na amo. Lumipas pa ang maraming taon at nakapagpundar ako nang ari-arian.
“Hanggang sa magkita na nga kami ng anak kong si Kreamy…”
Napabuntunghininga si Siony pagkatapos magkuwento.
“Doon na po natapos ang kuwento?” tanong ni Troy.
“Meron pa. Marami palang sinabi si Dolfo kay Kreamy. Sinabi niya ang dahilan kung bakit itinakas sa akin si Kreamy noong sanggol pa ito.”
(Itutuloy)
- Latest